Youtuber, nagmistulang anino matapos pinturahan ang buong katawan ng ‘World’s Blackest Paint’!
GINULAT ng Japanese YouTuber na si Hajime ang milyun-milyon niyang subscribers matapos pinturahan ang buo niyang katawan ng “Musuo Black”, tinaguriang “World’s Blackest Paint”.
Technically, hindi ang Musuo Black ang pinakamaitim na pintura sa buong mundo, ito ay ang Vantablack. Ang Vantablack ay may kakayahan na makapag-absorb ng 99.965% ng visible light samantalang ang Musuo Black ay may kakayahan lamang na mag-absorb ng 99.4% ng visible light. Ngunit sa ngayon ay hindi mabibili sa merkado ang Vantablack at ang Musuo Black lamang ang commercially available.
Si Hajime, isang sikat YouTuber mula Tokyo, Japan at kilala siya sa mga unique at kakaiba niyang mga ideya. Sa mga nakaraan niyang vlog, pininturahan niya ang kanyang kuwarto ng Black Musuo upang makagawa ng “World’s Blackest Room”. Ang sumunod niyang video ay pininturahan niya ang buong katawan ng kaparehas na pintura upang subukan kung makikita ba siya ng kanyang mga viewers habang nasa kanyang kuwarto.
Nakapagtala nang maraming views ang YouTube video ni Hajime ngunit ang mga litrato niya sa Twitter ang mas pinag-usapan at mas nakakuha ng atensiyon ng netizens sa buong mundo. Makikita sa mga litrato na naka-pose si Hajime sa ilalim ng matinding sikat ng araw ngunit nagmukha lamang siyang anino dahil sa pintura niya sa katawan.
Matapos maging viral ng mga litrato, naglabas ng anunsiyo ang Koyo Orient Paint, ang manufacturer ng Black Musuo na hindi nila hinihikayat ang mga mamimili na gamitin ito bilang body paint.
- Latest