Maari bang bumalik sa paggamit ng apelyido noong dalaga pa?
Dear Attorney,
Matagal na po kaming hiwalay ng asawa ko, gusto ko lang po sanang malaman kung maari bang bumalik ako sa paggamit ng apelyido ko noong ako ay dalaga pa? Magre-renew kasi ako ng passport at balak ko pong maiden name ko na ang ilagay doon. —Sheryl
Dear Sheryl,
Hindi mo nabanggit kung napawalang-bisa na ba ang kasal n’yo ng inyong asawa. Kahit kasi hindi na kayo nagsasama, itinuturing pa rin kayong mag-asawa sa ilalim ng batas.
Wala namang obligasyon ang mga babae na gamitin ang apelyido ng kanilang asawa. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Remo v. Hon. Secretary of Foreign Affairs (G.R. No. 169202, 05 March 2010), isang option lamang at hindi isang tungkulin para sa isang kasal na babae ang paggamit ng apelyido ng kanyang asawa.
Ito’y dahil kapag ikinasal ang isang babae, hindi naman ang pangalan niya ang nagbabago kundi ang kanyang civil status.
Sa kadahilanang ito, maari siyang mamili sa mga options na nakasaad sa Article 370 ng Civil Code patungkol sa kanyang gagamiting pangalan pagkatapos siyang maikasal: (1) Gamitin ang kanyang maiden surname na nakadikit sa apelyido ng kanyang asawa; (2) Gamitin ang apelyido ng kanyang asawa bilang kanyang apelyido; (3) Gamitin ang buong pangalan ng kanyang asawa at dugtungan lamang ito ng katagang katulad ng “Mrs.”; o (4) Ipagpatuloy na gamitin ang kanyang maiden surname lamang.
Pero kung malayang makakapili ang isang babae kung anong apelyido ang kanyang gagamitin matapos siyang makasal, kailangan naman niya panindigan ito kapag siya ay nakapamili na, partikular na sa usapin ng passport.
Ayon sa Philippine Passport Act, makababalik lamang ang isang babae sa paggamit ng kanyang maiden surname kung (1) pumanaw na ang kanyang asawa; (2) napawalang-bisa na ng korte ang kanilang kasal; (3) nakipagdiborsyo na siya sa lalaki at kinilala na ng hukuman sa Pilipinas ang diborsyo na ito.
Kaya sa sitwasyon mo, hindi ka na makakabalik sa paggamit mo ng iyong maiden name sa iyong passport kung hindi pa naman patay ang iyong asawa o kung hindi pa napapawalang-bisa ng hukuman ang kasal ninyo.
Para sa ibang opisyal na dokumento naman, bagama’t wala namang pangkalahatang pagbabawal ang batas sa isang babae na bumalik sa kanyang maiden name, maipapayo ko na ipagpatuloy mo na lang ang paggamit ng pangalang dati mo nang ginagamit upang ikaw ay makaiwas sa dagdag na abala na maaring idulot ng paggamit ng iba-ibang pangalan sa mga papeles mo.
- Latest