Pinay scientists dumarami
DUMARAMI ang mga babae sa Pilipinas na nagkakainteres at pumapasok sa larangan ng Science, Technology, Engineering at Mathematics (STEM). Tumataas ang bilang ng mga Pilipina na nag-aaral ng kursong may kaugnayan sa STEM at siya nilang naging propesyon.
Natuklasan kamakailan ng mga researcher ng Department of Science and Technology-Science Education Institute (DOST-SEI) sa isang pag-aaral ang makabuluhang pagtaas ng bilang ng mga babae sa larangan ng STEM.
Ang nabanggit na pag-aaral na pinamagatang “Women in Science” ay nakatutok sa estado ng mga babaeng Pilipino at mga kabataang babaeng nagpupursige ng karera sa alinmang larangan sa STEM. Inilunsad ito noong Marso 31 bilang bahagi ng pagdiriwang ng DOST – SEI sa buwan ng kababaihan.
Sinabi ng DOST na, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority mula sa taong 1990 hanggang 2015, mga babae ang bumubuo sa halos kalahati ng kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho sa science and technology (S&T).
Kabilang sa mga pangunahing trabaho sa S&T na merong pinakamataas na bilang ng mga babaing empleyado ay ang nursing at midwifery at ibang mga propesyong may kaugnayan sa larangang pangkalusugan. Gayundin sa engineering at ibang propesyong may kinalaman sa teknolohiya.
Nabatid din sa pag-aaral na mula 1990 hanggang 2015, dumarami ang mga babae sa science at technology career; pinakaprominenteng trabaho ng mga babae sa S&T sa pangkalahatan ay nasa Health Practitioners field; dumarami ang mga babaeng nagtatrabaho sa larangan ng Engineering, Architecture at ICT related fields; karamihan ng mga babaeng na ang karera ay konektado sa S&T ay nasa ilang lugar sa Luzon lalo na sa Metro Manila, Central Luzon at CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon).
Lumabas pa sa pag-aaral na, sa taong 2015, sa 10 milyong Bachelor’s Degree holder sa Pilipinas, mahigit 3.7 milyon ang S&T degrees na ang 45 porsiyento nito ay puro mga babae. Tinatayang merong 434 libong (48.1%) babae na S&T bachelors degree holder at nagtatrabaho sa mga S&T occupation. Mas marami ang mga babae (54.3%) na nagtatrabaho sa S&T fields na pawang Postbaccalaureate degree holders. Ang mga babaeng S&T worker ay mas bata (30 anyos) kaysa sa grupo ng mga lalae (34 anyos) batay sa kanilang median age.
Sinabi pa sa pag-aaral na meron pa ring mga kakulangan at hindi pagkakapantay-pantay na dapat tugunan. Isa rito ay ang karamihan ng mga babaeng S&T professional ay konsentrado sa kalakhang Maynila, Central Luzon at Calabarzon region. Ibig sabihin, walang gaanong mga babaing S&T professional sa ibang bahagi ng bansa.
Isa namang limitasyon o kahinaan ng pag-aaral ay sumasaklaw lang ito mula 1990 hanggang 2015. Wala pang datos mula 2016 hanggang 2022. Gayunman, hindi rin malinaw dito kung nananatili ba sa Pilipinas ang mga scientist na Pilipina o kung marami rin sa kanila ang dumadayo sa ibang bansa para doon gamitin ang kanilang pinag-aralan. Dumarami nga ang mga Pilipinang S&T professional pero, ang tanong, hindi ba sila natutuksong magtrabaho sa ibang bansa?
Marami nang mga professional at scientist na Pilipino tulad ng mga duktor, inhinyero, arkitekto, chemist, at iba pang nasa S&T profession na nangibang-bansa dahil sa kaliitan ng sinasahod nila at kakulangan ng mas magandang oportunidad dito sa Pilipinas. Isang halimbawa ang mga nurse natin na nagkalat sa iba’t ibang bansa tulad ng sa United States, Canada, United Kingdom, Japan at iba pa.
• • • • • •
Email: [email protected]
- Latest