^

Punto Mo

Katotohanan ang unang biktima

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

“SA anumang giyera, ang unang biktima ay ang katotohanan,” sinabi ito ng Greek dramatist na si Aeschylus. Ang buong mundo ngayon ay nasa ilalim ng giyera. Ang kalaban: COVID-19 o coronavirus na sumalakay sa lahat ng panig ng mundo. Hanggang sa isinusulat ito’y umaabot na sa 82 milyon ang tinamaan ng sakit, 1.79 milyon na ang mga namatay. Pero ang una pa ring biktima ay ang katotohanan. Totoo ba na ang virus na ito’y ginawa ng tao? Totoo ba na sangkot dito ang isang world superpower?

Kasama ang Pilipinas sa giyera.  Ang totoo, tayo ang pinakaapektado ng giyerang ito sa Southeast Asia. Tulad ng sinabi ni Aeschylus, katotohanan ang unang biktima. Mula nang tinamaan tayo ng coronavirus noong Marso 2020, patuloy nating hinahanapan ng sagot ang maraming tanong. Kamakailan ay nadagdagan pa ang ating mga tanong nang ianunsyo mismo ni Presidente Duterte na nabakunahan na ng Sinovac, isang vaccine na gawa sa China, ang mga miyembro ng Presidential Security Command (PSG). Wala pang anumang vaccine na inaaprubahan ang Food and Drug Administration (FDA) kung kaya ang naturang pagbabakuna ay labag sa batas, samantalang ikinakatwiran ng Malacanang na hindi ito labag sa batas. Alin dito ang totoo?

Paano nakarating sa Pilipinas ang vaccine? Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ito’y donasyon, kung sino ang nag-donate, hindi naman niya sinabi. Ayon naman kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang vaccine ay “smuggled.” Sapagkat magkaiba at magkasalungat ang pahayag, may nagsisinungaling. Ang tanong, sino sa kanila ang nagsisinungaling? Sino ang nagbakuna sa mga miyembro ng PSG? Ayon kay PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante III, sila-sila ang nagbakuna sa kanilang sarili.  Ito ba’y totoo?

Sigurado ako na ngayong 2021 ay marami pa tayong tatanggaping magkakasalungat na balita na maglalagay sa atin sa isang sitwasyon na tayo’y magtatanong, “Alin ba ang totoo?” Napakahalaga na tayo’y manatiling mapanuri at nag-iisip, huwag basta maniniwala sa sinasabi ng sinuman.  Wika nga ni Jesus, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.”  Kung ang katotohanan ay nagpapalaya, ang kasinungalingan ay umaalipin.

May tinatawag sa psychology na “illusion of truth,” ang kasinungalingan ay maaaring palabasing katotohanan.  Ito’y batas ng propaganda na pinalaganap ni Joseph Goebbels na nagsabing “Ulit-ulitin mo lamang ang isang kasinungalingan at sa bandang huli’y ito na ang magiging katotohanan.”

Ang isang bahagi lamang ng katotohanan ay maaari pa ring magligaw sa atin. Naalala ko ang kuwento ng limang bulag na walang nalalaman tungkol sa elepante, ngunit isang araw ay nakahawak ng isang elepante. Ang nakahawak sa buntot ng elepante ay nagsabing ang elepante ay isang mahabang lubid. Ang nakahawak sa trompa ng elepante ay nagsabing ang elepante ay isang malaking ahas. Ang nakahawak sa pangil ng elepante ay nagsabing ang elepante ay isang malaking espada. Ang nakahawak sa taynga ng elepante ay nagsabing ang elepante ay isang malaking pamaypay. Ang nakahawak sa binti ng elepante ay nagsabing ang elepante ay isang malaking puno. Kailangang pagsama-samahin ang limang paglalarawan upang maihayag ang buong katotohanan tungkol sa elepante.

Ngayong 2021, sa ating pagsasalita, lalo na ng matataas na opisyales ng gobyerno, kailangang ituring natin na tayo’y nasa korte na manunumpang magsasabi ng katotohanan, ng buong katotohanan, at ng pawang katotohanan lamang. Tulungan nawa tayo ng Diyos!

GREEK

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with