Anak, maari bang habulin para sa inutang ng magulang?
Dear Attorney,
Matagal na po akong walang komunikasyon sa aking ama. Kamakailan ay nag-message po sa akin sa Facebook ang isa niyang kaibigan ukol sa utang na P50,000 daw sa kanya ng aking tatay na hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran. Ako ang sinisingil niya dahil hindi niya raw mahagilap ang aking ama. Ipinaliwanag ko sa kanyang bukod sa wala akong kaalam-alam sa utang na sinasabi niya ay wala rin akong impormasyon kung nasaan ang aking tatay. Sa kabila nito ay nagbanta pa rin siya na ako raw ang idedemanda niya kapag hindi kaagad nabayaran ang sinasabi niyang utang ng ama ko. Maari po ba niya talaga akong habulin para sa perang ang magulang ko naman ang umutang? – Armand
Dear Armand,
Kung totoo man ang sinasabing pagkakautang ng iyong ama ay hindi ka maaring habulin para dito dahil personal na obligasyon ng ama mo ito. Kahit pa totohanin ng nakausap mo ang kanyang bantang pagdedemanda laban sa iyo ay siguradong ibabasura lang ito ng korte dahil hindi ka naman naging bahagi ng kasunduan sa pagitan ng iyong ama at ng kanyang inutangan.
Maaring madamay ka lang kung nagkataong yumao na pala ang iyong ama dahil ang hahabulin ng mga pinagkakautangan niya ay ang mga ari-ariang naiwan niya na maaring mailipat sa iyo bilang kanyang tagapagmana. Gayunpaman, sa ganyang sitwasyon ay hindi pa rin lubos ang magiging pananagutan mo sa mga utang na naiwan ng iyong ama.
Limitado lamang sa halaga ng mga ari-ariang naiwan ang maaring singilin ng pinagkakautangan. Kaya kung halimbawa ay nasa P25,000 lang pala ang naiwang ari-arian ng iyong ama ay hanggang sa P25,000 lang ang maari niyang singilin kahit pa P50,000 ang talagang pagkakautang sa kanya. Kahit ikaw na tagapagmana niya ay hindi niya maaring habulin para sa kulang.
Muli, ito lamang ay para sa mga namayapa na ang magulang at nag-iwan sila ng pagkakautang. Para sa mga katulad ng nasa sitwasyon mo na wala namang impormasyon ukol sa iyong ama, malinaw na hindi ka maaring basta-bastang habulin para sa kanyang mga personal na obligasyon katulad ng utang.
- Latest