‘Regalo’
NASA fourth year siya sa kursong nursing nang hilingin ng kanyang boyfriend na iregalo niya dito ang kanyang virginity sa darating nitong kaarawan. Umayon siya sa kagustuhan ng boyfriend. Isang gabi bago ang birthday ng boyfriend, dumating siya sa kanilang bahay na nagkakagulo ang kanyang mga kapatid dahil isinugod ang kanyang ama sa ospital. Hinang-hina raw ito nang umuwi tapos bigla na lang hinimatay.
Sa ospital nila nalamang nagbenta ito ng kidney. Kulang ang suweldo ng kanyang ama bilang clerk sa city hall. Marami siyang gastos nang panahong iyon: tuition fee, graduation fee, pang-enrol sa review center. Buti na lang at walang nangyaring seryosong komplikasyon sa kanyang ama. Humagulgol talaga siya nang humagulgol nang oras na iyon.
Nagkahiwalay sila ng kanyang boyfriend dahil hindi siya tumupad sa pangakong “regalo” sana niya. Iyon lang ang ikinagalit sa kanya ng magaling niyang boyfriend. Pagkaraan ng isang linggo, ipinamukha sa kanya ng boyfriend na may bago na itong girlfriend. Palibhasa ay sa iisang unibersidad lang sila nag-aaral, sinasadya talaga nito na dumaan kasama ang bagong girlfriend sa mga lugar na tambayan niya.
Durog na durog man ang puso, pinilit niyang maging matatag dahil kailangan niyang matapos ang kanyang kurso sa semester na iyon. Nakatapos siya ng pag-aaral. Nakapasa sa board exam at nakakuha agad siya ng trabaho sa isang ospital ng gobyerno.
Kasalukuyan. May bagong pasyenteng positibo sa COVID-19 ang ipinasok sa ospital na pinaglilingkuran niya. Nagkataong isa siya sa kumukuha ng impormasyon tungkol sa mga pasyente. Pamilyar ang pangalan ng lalaki. Iyon ang lalaking dumurog sa kanyang puso at muntik nang dumurog din ng kanyang pagkababae.
Napangiti siya. Hindi dahil tinamaan ito ng COVID-19 kundi nagpapasalamat siya sa lalaking ito at iniwan siya. Kung nanatili siyang girlfriend ng lalaking iyon, hindi siya maliligawan ng mas pogi niyang classmate na pagkatapos magtapos ng nursing ay itinuloy ito sa kursong medicine. Misis na siya ng doktor na iyon.
- Latest