Pamamayagpag ni Bong Go marami ang kabado
PATULOY na namamayagpag ang pangunguna ni Sen. Bong Go sa hanay ng mga kumakandidatong senador. Patunay lamang na hindi kayang igupo ng anumang negatibong isyu ang isang pulitiko kung maayos na nagagampanan nito ang tungkuling ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan.
Sa bigat ng mga akusasyon at paninira na ibinabalibag ng mga anti-Duterte movement sa kampo ng PDP, hindi matinag ang popularidad ni Bong Go para manatiling senador hanggang 2028. Makisig talaga!
Patunay na hindi rin tumalab ang simpatiya ng mamamayan kay Leila de Lima at paninira ni Caloocan mayoralty candidate Antonio Trillanes sa reelection bid ni Bong Go at baka nga si Trillanes pa ang mahirapang manalo.
Kapansin-pansin din na tila hindi maganda ang ugnayan ng pamilya ni dating President Digong Duterte kay Bong Go lalo na sina VP Sara at Davao City Mayor Baste. Kaya bang sagutin ni Honeylet Avanceña?
Maraming humuhula na malamang na si Bong Go ang magiging pambato ng PDP para tumakbong presidente sa 2028. Karambola raw kasi ang pag-iisip ni Sara, tsk- tsk-tsk!
Ipinakikita sa mga pangyayari na hindi rin maganda sa isang tao ang sobrang madaldal na wala naman sa punto ang sinasabi. Bumabalandra rito ang negatibong reaksiyon sa maraming pagkakataon. Magaling ang political handlers ni Bong Go.
Matatandaan na ipinorma ni Digong ang Go-Duterte tandem bilang President at VP noong 2022 election pero ang natuloy ay BBM-Sara partnership na nauwi sa hiwalayan.
Ang pahayag ni Digong na “bangag ang presidente” rin ang pinag-umpisahan ng gulo. Baka raw naman mas matimbang lang talaga sa puso ni Digong si Bong Go kaysa kay Sara. May diperensiya kaya talaga?
Hindi pa man natatapos ang 2025 election, bumababaw at unti-unting lumilinaw kung sino ang magiging pambato ng PDP sa 2028 Presidential elections. Handa na ba sina Sen. Risa Hontiveros, Sen. Raffy Tulfo at VP Sara? Go go go!
- Latest