EDITORYAL – Parusahan ang vandals
SA wakas nakahuli rin ng vandals ang mga pulis-Maynila. Sa tagal nang panahon na maraming pader na sinalaula ang tinatawag na Panday Sining, nahuli rin ang ilan sa kanila at ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal sa Manila Police District (MPD).
Naaktuhan ng mga pulis ang 4 na miyembro ng PS na sinusulatan ang poste ng Light Rail Transit sa Recto corner Rizal Avenue noong Sabado ng gabi. Gusto pang tumakas ng mga vandals pero hindi na nagawa. Nakipagtalo pa umano at nakipagbalyahan ang ilang miyembro ng PS sa mga pulis para hindi dalhin sa presinto ang kanilang mga kasamahan pero wala rin silang nagawa.
Iniharap kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang 4 na vandals at pinagsabihan ang mga ito. “Winarningan ko na kayo. Nag-abiso na ako. Nanawagan ako na huwag nang uulitin pero inulit n’yo pa rin. Sinusubukan n’yo kung may batas at liderato sa Maynila. Kailangan n’yong harapin ang bisa ng batas.’’
Noong nakaraang buwan, sinalaula rin ng grupong ito ang Lagusnilad underpass sa harap ng Manila City hall. Sinulatan nila ng: PRESYO, IBABA, SAHOD ITAAS; DIGMAANG BAYAN, SAGOT SA MARTIAL LAW; ATIN ANG PINAS, CHINA LAYAS!’’ Pula at itim na pintura ang kanilang ginamit sa pagsusulat.
Nagngitngit si Isko sapagkat kalilinis at kapipintura lamang ng pader at bagong hugas ang flooring ng Lagusnilad. Iprinesenta pa ito ng mayor sa mga taong nagdaraan. Ipinagmalaki na pinagtulungan itong linisin ng mga empleyado ng city hall at engineering office. Pinagtiyagaang kaskasin ang dumi ng pader. Pero makalipas ang isang linggo, ang malinis na pader ay biglang naging marusing. Ang dating makintab na tiles ay naging marumi na naman dahil sa vandalism.
Dahil sa ngitngit ni Isko, nasabi niya na kapag nahuli ang mga nagsulat sa pader, ipadidila niya sa mga ito ang sinulat. Hindi na iyon pinagawa ni Isko sapagkat may katapat namang parusa sa batas ang vandalism. May ordinansa ang lungsod laban sa mga sumisira at dinudumihan ang pader at iba pang istruktura.
Parusahan ang vandals. Bigyan ng leksiyon ang PS na wala nang ginawa kundi magsulat sa pader. Paigtingin ng barangay at police ang pagbabantay para hindi na maulit ang pag-vandalized.
- Latest