EDITORYAL - Pag-isipan ng pamahalaan ang POGO
MAY masama at kabutihang idudulot ang Philippine Offshore and Gaming Operations (POGO) sa bansa. Masama dahil nagdadagsaan ang mga Chinese sa bansa at tila inaagawan na ng trabaho ang mga Pilipino. Sa kasalukuyan, umaabot na umano sa 130,000 Chinese ang naka-employ sa POGO. Masama dahil pinaghihinalaan na ang mga Chinese na ito na nag-eespiya sa bansa at banta ito sa seguridad. Minsan nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na mapanganib ang paglalagay ng POGO sa malapit sa military installations ng bansa gaya ng Camp Crame at Camp Aguinaldo sa Quezon City; Villamor Airbase sa Pasay City at ang headquarters ng Philippine Army sa Taguig. Ayon sa Defense Secretary, maaaring magamit na spy ang mga POGO workers para sa China.
May kabutihan din namang hatid ang POGO sa bansa sapagkat naghahatid ang mga ito nang malaking revenue dahil sa ibinabayad na buwis. Noong 2018, nabatid na P579 million ang ibinayad na tax ng online gambling operators at ngayong 2019, umaabot na sa P789 million ang ibinayad na tax ng mga ito sa unang tatlong buwan at mayroon pang P9 billion na babayaran sa pagtatapos ng taon.
Sa laki ng ibinabayad na tax ng online gambling operators, mapopondohan ang mga proyekto ng gobyerno lalo na ang “Build, Build, Build, Program”. Natutuwa rin naman ang mga may-ari ng lupa sa paligid ng POGO sapagkat tumaas ang value ng kanilang lupa. Marami umano sa mga Chinese ang bumibili ng lupa kahit mahal ang presyo.
Taliwas naman sa tinatamasang buti ng pagkakaroon ng POGO sa bansa, sinabi ng China na huwag nang payagan ang online gambling sa bansa na karaniwang customer ay Chinese. Bawal sa China ang on-line gambling.
May masama at mabuting hatid ang POGO. Dapat magkaroon ng pagpapasya ukol dito. Ibawal ba ito o ituloy?
Nararapat na pag-aralan at pag-isipan ito. Tingnan ang impact sa ekonomiya ng bansa.
- Latest