^

Punto Mo

Bawal ang bastos

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NOONG araw, okey lang na sipulan ng isang lalaki ang isang babae, sapagkat tinatanggap iyon na kapahayagan ng paghanga sa kagandahan at magandang pangangatawan ng isang babae. Kaya malungkot ang isang babaeng hindi nakatikim ng sipol. Pero ngayon, sa ilalim ng batas na “Bawal ang Bastos,” ito’y mahigpit na ipinagbabawal at may karampatang parusa ang paggawa nito.

Bukod sa pagsipol, ipinagbabawal din ang pagmumura, paninigaw, pangungutya, mahalay na pagbibiro, pagtingin nang may pagnanasa, pamimintas sa katawan, pamimilit na kunin ang detalye na tulad ng pangalan, edad at tinitirhan ng isang babae.  Ipinagbabawal ang mga ito sa lansangan, mga lugar pampubliko, social media, at eskwelahan. Layunin ng batas na hadlangan ang “sexual harassment” sa mga kababaihan saan mang lugar.

 Lubhang napapanahon ang batas na ito upang ibalik ang pagkamaginoo ng kalalakihan at pangalagaan ang kababaihan laban sa pambabastos.  Noong Middle Ages, isa sa inaasahang katangian ng mga mandirigma ay ang pagkamaginoo na ipinakikita sa pamamagitan ng sobrang paggalang sa mga kababaihan. Ito ang tinatawag na “chivalry.”

Sa ating panahon ay tila madalang nang maranasan ng mga kababaihan ang “chivalry,” sa halip, ang nararanasan nila’y “calvary” mula sa pambabastos ng mga kalalakihan. Malaking hamon ito sa matataas na pinuno ng pamahalaan na dapat maging halimbawa ng paggalang at mataas na pagpapahalaga sa mga kababaihan. Malaki itong hamon kay Presidente Duterte na kilala sa pagkukuwento ng mga “jokes” na nagpapababa sa kalagayan ng mga kababaihan.  Sabi naman ng Malacañang, susundin ng Presidente ang batas nang buong puso. Bilang pinakamataas na pinuno ng ating bansa, siya ang dapat na maging halimbawa.

Maganda ang batas, pero ang tunay na laban ay nasa pagpapatupad nito. Inaatasan ng batas ang Philippine Commission on Women na manguna sa implementasyon nito. Tinatawagan din ang mga local government units na magpalabas ng mga ordinansa para sa local na aplikasyon ng batas.

 Sana nga ay ito na ang simula ng pagbabalik ng pagkamaginoo bilang tatak ng mga disenteng kalalakihan. Sa batas na ito, ipinagbabawal maging ang pagtingin nang may pagnanasa sa kababaihan.  Alam mo ba kung sino ang unang nagbawal ng mahalay na pagtingin sa babae?  Si Hesus. Ganito ang wika Niya sa Mateo 5:27-28, “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa ibang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso.”

 Bakit ito ipinagbawal ni Hesus?  Kasi, ang pagkakasala ay nagsisimula sa pagbuo sa isipan ng maruruming pangitain mula sa mga bagay na nakita ng mga mata. Kaya’t ang utos na ito ni Hesus ay paghadlang sa pagsisimula ng pagkakasala.  Anumang pagkakasala ay nabubuo muna sa isip hanggang sa ito’y gawin nang tuluyan.

Sana nga, ang batas na “Bawal ang Bastos” ang humadlang sa pagsasagawa ng marami pang uri ng kabastusan sa mga kababaihan.  Pangalawa sa Diyos, utang nating lahat sa mga babae ang ating buhay.  Sila ang nagdala sa atin sa sinapupunan upang tayo’y isilang sa mundong ito.  

Bawal ang bastos — ito ang bagong batas.  Nawa ito ang maging “slogan” na seryosong ipamumuhay ng bawat lalaki dito sa atin.  Kapag nangyari ito, magiging karapat-dapat tayong mga Pilipino sa ating pangalan—pili na pino pa.  Pili ang salita, pino ang kilos, lalo na para sa mga kababaihan.

    

BASTOS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with