Mga huling araw ng kampanya tutukan!
Isang linggo bago ang gaganaping midterm election ratsada na ang mga kandidato sa natitirang araw ng kampanya.
Ramdam na ramdam na sa kapuluan ang tinatawag na ‘election fever’.
At habang papalapit nang papalapit ang halalan mas matin-ding alerto ang ipinatutupad ng ating kapulisan.
Aabot sa 160,000 pulis ang nakatakdang i-deploy sa eleksyon sa Lunes (Mayo 13) kung saan patuloy nilang tinututukan ang mga election hot spots.
Sa ulat nga PNP, umaabot sa 10 katao ang naitalang nasawi dahil sa matinding banggaan sa pulitika o political violence.
Nasa 22 insidente ng karahasan na may kinalaman sa nalalapit na halalan ang naitala ng PNP na nagsanhi nga sa pagkasawi ng sampu katao, habang 11 naman ang nasugatan. Simula ito sa election period noong Enero 13 hanggang Abril 30, 2019.
Gayunman, ayon sa PNP ang nasabing bilang ay higit na mas mababa kumpara sa nairekord na 106 insidente ng karahasan noong 2016.
Nabatid pa na ang sampung mga nasawi ay mga kandidato at kanilang mga supporter.
Una nang inihayag ni PNP chief General Oscar Albayalde na pumalo na sa 941 lugar ang ikinokonsidera ng PNP bilang mga election hotspot.
Ang mga lugar na ito ang higit na tututukan.
Sa natitirang araw ng kampanya diyan hindi maiiwasan na magkasalubungan sa lansangan ang mga magkakalabang grupo.
Sana nga lang maiwasan na ang mga girian na siyang madalas na pagmulan ng kaguluhan.
Dapat ding paalalahanan mismo ng isang kandidato ang kanilang mga supporters na umiwas sa bangayan at maisagawa na lamang ang kampanya ng payapa at may kaayusan.
Sana rin ay huwag nang madagdagan pa ang nabubuwis na buhay dahil sa halalan.
Matindi ang init ng panahon na nararanasan na madalas na nakakadagdag sa init ng ulo sa kampanya.
Matapos sana ang campaign period nang matiwasay hanggang sa matapos ang halalan.
- Latest