Lalaki sa Taiwan, pinagmulta nang magpadala ng pusa sa koreo
ISANG lalaki sa Taiwan ang pinagmulta matapos niyang ipadala sa pamamagitan ng koreo ang isang pusa na ayaw na raw niyang alagaan.
Ayon sa UDN news website, pinagmulta ng mga kinauukulan ang 33-anyos na lalaking kinilala lamang sa kanyang apelyidong Yang ng NT$60,000 (katumbas ng P100,000) noong nakaraang linggo dahil sa kanyang paglabag sa Taiwan Animal Protection Act matapos niyang ilagay ang alaga niyang Scottish fold cat sa selyadong kahon at ipadala sa isang lokal na animal shelter sa Banciao District.
Pinagmulta rin siya ng karagdagang NT$30,000 (higit P50,000) para naman sa paglabag niya sa Statute for the Prevention and Control of Infectious Animal Diseases, dahil napag-alamang hindi niya pinabakunahan ang alaga niyang pusa laban sa rabies.
Natunton ng New Taipei City Animal Protection at ng Health Inspection Office roon ang lalaki sa pamamagitan ng delivery service na kanyang ginamit at ng police surveillance footage sa lugar.
Nagawa nilang kontakin si Mr. Yang, na ipinaliwanag na sinubukan naman daw niyang ipamigay ang pusa dahil wala na raw siyang oras para alagaan ito. Hindi na rin daw ito makalakad nang maayos, na resulta ng dati nang leg injury na tinamo nito.
Kinondena naman ng Director of Animal Authority ng Taiwan na si Chen Yuan-chuan ang insidente at sinabing maaring ikamatay ng mga hayop kung isisilid ang mga ito sa isang lalagyan na walang bentilasyon at maiinuman ng tubig.
Sa kabila nito, nasa magandang kalagayan naman ang pusa ayon sa animal protection authority at maari na raw itong ampunin sa lalong madaling panahon.
- Latest