Mga alahero sa India, nasungkit ang world record para sa pinakamaraming diyamante sa iisang singsing
NASUNGKIT ng mga alaherong sina Vishal Agarwal at Khushbu Agarwal, kapwa mula India, ang world record para sa pinakamaraming diyamante na nailagay sa iisang singsing.
Nagawang pagsiksikin ng dalawa ang 6,690 na mga diyamante sa isang 18-karat na singsing na gawa sa ginto at kahugis ng isang lotus flower.
Sa kabila ng gaan nitong 58 gramo ay nagkakahalaga ang singsing ng $4,116,787 (katumbas ng halos P220 milyon).
Ang dating record ay naitala ng Savio Jewelry noong 2015 nang nilikha nila ang isang peacock ring na nagtataglay ng 3,827 na mga diyamante.
Si Vishal ang nagdisenyo ng singsing samantalang si Khushbu naman ang nagpondo sa proyekto. Pinili raw nila ang hugis ng lotus flo-wer, na karaniwang matatagpuan sa mga lawa, upang maibahagi sa publiko ang kaalaman ukol sa pagtitipid ng tubig.
Isang video naman ang ini-upload ng Guinness World Records na nagpapakita ang proseso ng paggawa sa singsing at ang paglagay ng diyamante sa mga ito.
- Latest