Paalam, YM
TOTOO palang isasara na ng web service provider na Yahoo! ang chat application nito na nakilala sa tawag na Yahoo Messenger (YM o Y!M). Nakatanggap din ako ng email mula sa pangasiwaan ng website na ito na nagsasaad na hanggang Hulyo 17, 2018 na lang maaaring magamit ang YM. Pagkaraan ng petsang ito, mawawala na ang YM na naging popular na instant messaging service mula noong 1998. Ang mga gumagamit nito ay pinayuhang i-‘download’ na ang kanilang chat history kung gusto nila itong maipreserba bago tuluyang magsara ang dating sikat na chat messaging service.
Walang detalyado at malinaw na paliwanag na naibigay ang Yahoo! maliban sa pagsasabing, “Habang patuloy na nagbabago ang mga pamamamaraan ng komunikasyon, tinututukan namin ang pagbuo ng bago at mas nakakapanabik na kagamitan sa komunikasyon na higit na aangkop sa pangangailangan ng mga konsiyumer.” Pinapayuhan din ang mga YM user na burahin na sa kanilang mga smartphone ang YM application makaraang i-download ang kanilang chat history.
Mahihinuhang naapektuhan ang YM at nagpalaos dito ang pagsulpot ng social media tulad ng Facebook at Instagram at Tweeter na may kanya-kanya at mas bago at mas magagandang chat messaging service na may mas maraming features. Bago pa naman ang opisyal na pahayag sa pagpapahinto sa YM, ilang taon nang naging matumal na kung meron pa rin ang mga gumagamit nito.
Milyun-milyon din naman ang natuwa at nalibang sa YM na ito lalo na ang kinahiligan noon na Yahoo chat room na naging daan para makakilala at makakausap ng iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa at ng buong mundo. Bagaman may mga negatibo itong aspeto, naging isa itong epektibong libangan at pampalipas oras bukod pa sa pagiging isang tulay na komunikasyon ng mga tao na libu-libong milya ang layo sa isa’t isa. Maaari ring makita ang kausap mo rito sa pamamagitan ng webcam. Gayunman, lahat ay nagbabago. Merong susulpot na bago at ang luma ay maglalaho.
- Latest