Buntis na ba si Mommy?(First part)
KAPAG excited tayo sa napipintong pagbubuntis ni Mommy, gusto na nating malaman agad kung ang pagka-delay ba ng buwanang dalaw ay nangangahulugan na ng pagbubuntis. Marami sa atin ang gustong malaman kung gaano kaaga puwedeng matiyak ni Mommy na may baby sa loob ng kaniyang tiyan.
Kahit nasa ika-5 linggo pa lang ng pagbubutis ay puwede nang malaman ito ni Mommy sa pamamagitan ng pagsailalim sa tinatawag na transvaginal ultrasound. May makikita na tayong “gestational sac” na magpapahiwatig na buntis na si Mommy. Sa ikapitong linggo ng baby sa tiyan ay tumitibok na ang puso niya. Ang pregnancy test ay karaniwang ginagawa at nagiging positibo lamang pagkatapos hindi datnan ng monthly period si Mommy.
Ano ang nangyayari kapag naglilihi si Mommy?
Maraming pagbabago sa katawan ni Mommy kapag naglilihi na siya. Dahil sa epekto ng mga hormona, nakakaramdam si Mommy na parang may pagkain siyang gustong-gusto niyang kainin: mangga, pansit, bayabas, siopao, at kung anu-ano pa. Walang scientific na paliwanag ang paglilihi. Sa kulturang Pilipino, ang napaglihiang pagkain, bagay o tao ay iniuugnay natin sa nagiging hitsura ng baby.
Paano nakatutulong ang pagkausap kay baby habang nasa loob siya ng tiyan ni Mommy?
Anumang kalagayan ng katawan ni Mommy ay tumatawid sa baby. Dapat nating ituring na parang iisa lamang sina Mommy at baby. Kung malusog ang katawan, emosyon, at pag-iisip ni Mommy, ganoon din ang mararanasan ng baby. Dumadaloy ang happy hormones sa baby kung maayos ang kalagayan ni Mommy. Ang masasayang aktibidad gaya nang pagkausap, pagkanta, at pagbabasa ng kuwento sa baby ay nagpapatibay na ng kanilang relasyon kahit nasa loob pa ng tiyan ang baby!
Ano ang tinatawag na “morning sickness”?
Ang pagkakaroon ng tinatawag na morning sickness ay bunga ng hormonal imbalance sa panahon ng pagbubuntis. Mas mataas na kasi ang level ng hormonang estrogen. Dito ay parang naduduwal o nagsusuka si Mommy tuwing umaga. Hyperemesis gravidarum ang medical term para rito. Puwede itong remedyuhan nang pagnguya ng maliliit na piraso ng yelo, kendi, pagkain ng crackers, pag-iwas sa mga pagkain/pabango/amoy na nakaduduwal para kay Mommy, pag-inom ng maraming fluids, at madalas na pagkain sa buong maghapon pero tigkakaunti lamang.
(Itutuloy)
- Latest