Walang Barbero!
SI Mang Tikyo ang pinakamatandang barbero ng kanilang barangay. Halos lahat ng ulo ng mga kalalakihan sa kanilang barangay ay dumaan sa mga ekspertong kamay ni Mang Tikyo. Kung kilala siyang magaling na barbero, kilalang-kilala rin siyang atheist, ‘yung hindi naniniwala na may Diyos.
“Kung may Diyos, bakit maraming tao ang nagugutom, maysakit, at maraming problema?”, ito ang nabanggit niya sa kanyang kumpareng Turing habang ginugupitan.
“Ahh” lamang ang tanging naisagot ni Turing sa sinabi ng kanyang kumpare. Mahirap nang makipag-debate at baka ma-carried away si Tikyo, kung ano ang magupit nito sa kanyang ulo.
Pagkatapos ng gupitan ay lumabas sa barberya si Turing. Nakita niya ang matandang lalaki madalas mamalimos sa tapat ng simbahan. Mahaba ang buhok at balbas nito. Muling bumalik si Turing sa barberya.
“Alam mo Tikyo, napatunayan kong walang barbero dito sa ating barangay.”
“Hangal ka ba? Ano ako? Di ba, ako ang barbero dito sa ating barangay?”
“Kung talagang may barbero, bakit walang gumugupit sa mahabang buhok at balbas ng matandang pulubi na naroon sa tapat ng simbahan?”
“Hindi kasi siya lumalapit sa akin. Gugupitan ko siya kung pupuntahan niya ako dito sa barberya”.
“Ganoon din ang Diyos. Naghihintay lang siya na lumapit ang mga tao para tanggalin ang kanilang pagdurusa. Kaya totoong may Diyos, Pareng Tikyo.”
- Latest