EDITORYAL - Paigtingin ang pagpapatrulya ng mga pulis sa kalsada
KALIWA’T kanan ang mga nangyayaring krimen. Kahit may gun ban, walang makapigil sa mga masasamang loob para mambiktima. Lalo pa silang naging mabangis ngayon. Wala nang takot at kahit sa karamihan ng tao at matinding sikat ng araw, ginagawa ang krimen. Walang awa kung pumatay gamit ang baril. At sa kabila na may mga pagpatay, hindi agad makasaklolo ang mga pulis kahit malapit lang ang kanilang presinto.
Noong Lunes, isang babae na magdedeposito ng kinita ng kanilang tindahan sa Quiapo ang walang awang binaril sa ulo at saka kinuha ang pera na nagkakahalaga ng P100,000. Inakbayan umano ng holdaper ang babae at binaril at saka kinuha ang bag na may pera. Nang mga sandaling iyon, nasa di-kalayuan umano ang mga pulis na nagsasagawa ng clearing operation sa Carriedo. Malapit din ang police station na nasa gilid lamang ng simbahan ng Quiapo. Pero walang nakaresponde. Walang anumang nakatakas ang holdaper bitbit ang kalibre 45.
Sa Palawan, isang French national at kanyang pamilya ang pinatay noong nakaraang linggo. Blanko ang pulisya sa krimen. Noong Martes, isang condominium sa Moonwalk, Parañaque ang nilooban at sinunog pa ng dalawang armadong magnanakaw. Namatay sa suffocation ang may-ari ng unit na pinagnakawan. Nakatakas ang mga armadong suspect tangay ang hindi pa malamang halaga. Bago tumakas binaril pa ang guwardiya. Sa Marikina City, sumalakay din ang mga armadong akyat bahay noong Martes at nakata-ngay nang malaking halaga ng salapi.
Aktibo rin naman ang mga holdaper ng dyipni na ang binibiktima ay mga estudyante. Armado ng baril at patalim ang mga holdaper na karaniwang nambibiktima sa kanto ng Aurora Blvd. at EDSA, Quezon City. Laganap din ang holdapan sa jeepney sa Quiapo at Sta. Cruz, Manila area.
Mabangis ang mga kriminal ngayon. Wala na silang kinasisindakan. Nararapat na magpakita ng bagsik ang mga pulis sa nangyayaring ito. Kakahiya ang pamamayagpag ng mga masasamang loob at walang ginagawa ang mga parak. Kailangan ang police visibility.
- Latest