Holdaper na tandem, tutukan
Malaking hamon ngayon sa pulisya na madakip ang riding in tandem na holdaper na ang target ngayon na rondahan ng kanilang operasyon eh yung mga nagpapa - carwash ng kanilang mga sasakyan.
Ang daming nagngingitngit matapos na mapanood sa kuha ng CCTV ang ginawang pagsalakay ng mga ito . Isa sa Caloocan at ang isang insidente ay sa Quezon City.
Malaki ang hinala na sa dalawang insidente na ito ay iisa ang suspects.
Ang lalakas ng loob walang pinipiling oras nang pagsalakay kahit pa sa harap ng karamihan ng tao.
Armado ng baril ang dalawang buknoy na basta na lang manunutok ng baril sa kanilang mga biktima na nagpapalinis ng sasakyan saka kukulimbatin sa biktima ang lahat ng mapapakinabangan.
Nagagalit pa pag hindi nasiyahan sa nakukuha.
Hindi lang ang ganitong mga modus ang masasaksihan o nasasapol ng mga nakakalat na CCTV sa mga lansangan, marami pang iba at ito ay nagaganap sa kabila ng gun ban na ipinatutupad dahil na rin sa nalalapit na halalan.
Dito kailangan ang mahigpit na pagbabantay ng kapulisan.
Kasama na rin ang matinding pagmomonitor ng mga opisyal sa barangay na sila ang mas lalong nakakaalam sa mga lugar sa kanilang nasasakupan na doon madalas dumale ang mga kawatan.
Gayunman, kailangan din ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan.
Mai-operate sanang mabuti na madakip ang mga kawatan na ito na talagang matinding perwisyo sa lipunan.
Hamon ito sa pamunuan ng PNP ng marami nating mga kababayan na ito ang aantabayanan ng inyong Responde.
- Latest