Clinic para mawala ang pagkalasing, binuksan sa Australia
KAMAKAILAN, binuksan sa Sydney, Australia ang isang kakaibang clinic para sa mga taong gustong mawala ang kanilang pagkalasing.
Tinagurian itong “Hangover Clinic” at binibigyan nito ang mga pasyente ng isang kakaibang lunas na nakakapagpawala ng pagkahilo, sakit ng ulo, at bigat ng pakiramdam na dala ng labis na pag-inom ng alcohol.
May iba’t ibang “packages” na inilalako ang clinic. Ang pinakamura sa mga packages ay ang basic package na may kasamang isang litrong dextrose na ituturok sa pasyente, Vitamins B at C, at ang gustong gamot ng pasyente para maibsan ang sakit ng ulo o pagkahilo. Mayroon din silang packages na may kasamang oxygen treatment o antioxidants kung labis ang hangover mula sa pagkalasing ng pasyente.
Hindi basta-basta ang presyo ng gamutan sa Hangover Clinic dahil naglalaro mula $140 hanggang $200 ang maa-ring bayaran ng isang pasyenteng gustong gumaling mula sa pagkalasing.
Nakuha ng nagtatag ng clinic na si Max Petro ang ideya ng pagbubukas ng isang clinic para sa mga lasing noong siya ay natrabaho bilang isang ski instructor. Namamangha kasi siya sa bilis maka-recover ng mga ski patrol teams mula sa matinding pagkalasing ng nakaraang gabi kaya tinanong niya ang sikreto ng mga ito.
Ibinunyag sa kanya ng mga ito na dextrose at painkillers lang ang kanilang iniinom upang mawala ang kanilang mga hangover. Ito raw ang matagal nang iniinom ng mga propesyunal na atleta upang mawala kaagad ang kanilang mga hangover kahit naparami pa ang kanilang nainom noong nakaraang gabi.
Hindi naman bilib ang mga kinauukulan sa Australia sa bagong bukas na clinic dahil maeengganyo raw lamang lalo ang mga tao sa labis na paglalasing dahil mayroon namang mada-ling lunas para sa kanilang magiging hangover pagkatapos.
- Latest