EDITORYAL – Tulungang makabangon ang mga biktima ni ‘Nona’
MATAPOS manalasa ang Bagyong “Nona” sa Northern Samar, Sorsogon, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, Albay, Biliran, Masbate at Calamian Group of Islands noong Lunes, na nag-iwan ng isang patay, binayo naman ang Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro at Lubang Islands kahapon ng umaga. Limang beses nag-landfall si “Nona” sa Pinamalayan, Oriental Mindoro at nag-iwan ng grabeng pinsala. Bagama’t walang naiulat na namatay, maraming bahay naman at establisimento roon ang natuklap ang mga bubong. Maraming pananim ang nasira. Walang kuryente sa lugar at sabi ng mga residente, baka matagal pa bago sila magkaroon ng kuryente. Magpapasko sila na walang kuryente.
Ang Bagyong “Nona” ang pinakamapinsalang bagyo na tumama sa Oriental Mindoro sa loob ng 10 taon. Ayon sa mga residente, noon lamang sila nakaranas nang ganoong klase ng bagyo na parang hindi titigil. Sumisipol umano ang hangin. Sobrang lakas din ng ulan kaya nagdulot ng pagbaha sa maraming bayan. Halos buong probinsiya ay apektado ng bangis ng bagyo.
May mga komento sa Facebook na tila hindi umano nabigyan nang tamang babala ang mga taga-Marinduque, Mindoro provinces at Romblon sapagkat nasorpresa sila sa bilis ng pangyayari. May mga residente na hindi umano natalian at nalagyan ng suhay ang mga bahay kaya lumipad ang mga bubong.
Tiyak na lulutang ang pagsisisihan. Nangyari na ang ganito tuwing may nananalasang bagyo at iba pang kalamidad. May magtuturuan na naman. Gayunman, wala na itong saysay dahil nangyari na ang lahat. Ang dapat gawin ng gobyerno ay buhusan ng tulong ang mga napinsala ng bagyo. Bigyan sila ng pagkain at iba pang pangangailanhan. Huwag silang pabayaan. Hindi na dapat maulit ang nangyari nang manalasa ang Bagyong Yolanda noong 2013 na ang mga naka-paketeng pagkain ay nabulok lamang. Maraming bigas ang nasayang at ibinaon lamang. Mga uod ang nakinabang kaysa mga taong nagugutom.
- Latest