EDITORYAL – May mapakinabang nga sana sa APEC
NGAYON magtatapos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Matatapos na rin ang pagdurusa ng mga naapektuhan sa grabeng trapik. Noong Lunes ng umaga, naglakad na may dalawa hanggang tatlong kilometro ang mga empleado at manggagawa para makapasok sa trabaho. Isinara noong Lunes ang kahabaan ng Roxas Blvd, kaya apektado ang mga galing Cavite na nagdadaan sa Coastal Road at Macapagal Blvd. Naistak ang mga sasakyan kaya napilitang maglakad ang mga pasahero. Mayroon pang napaanak habang nasa trapik at merong ginang na humihingal dahil karga-karga ang kanyang anak. Merong mga empleado na hindi na nakapasok dahil sa grabeng trapik.
Noong Martes at hanggang kahapon (Miyerkules) ay matrapik pa rin sa mga lugar na pinagdarausan ng summit. Mas marami ang isinarang mga kalye. Maraming naglakad kahit matindi ang sikat ng araw. May nagsabi na dapat daw ba nilang danasin ang ganitong sitwasyon na naglalakad sa ilalim ng nagbabagang araw? Hindi raw ba na-imagine ng Malacañang na ganito kabigat at kalawak ang mangyayaring trapik gayung may iba namang paraan para maiwasan?
Bukod sa mga karaniwang manggagawa at empleyado na naapektuhan ng APEC, apektado rin ang maraming flights. Kanselado ang international at domestic flights sa loob ng tatlong araw. Bakit hindi raw ginamit ang airport sa Clark para hindi naapektuhan ang mga flight?
Pero sabi ng Malacañang, tiis-tiis muna sa ilang araw na APEC summit. Humihingi sila ng pang-unawa. Malaki naman umano ang pakinabang sa APEC summit. Hindi lamang umano ekonomiya at investment ang pag-uusapan dito kundi marami pa na mag-aangat sa kabuhayan ng mamamayan.
Ano pa nga ba ang magagawa kundi tanggapin ito. Wala namang magagawa kahit sa palagay nila, may mali sa summit. Ang hiling lang ng mga na-APEC-tuhan, sana may makamtan sa kanilang pagsasakripisyo. Sana mayroong maani sa kabila ng pagdurusa.
- Latest