422 punongkahoy bawat tao
SA dami ng mga bundok na halos nakakalbo na dahil sa walang habas na pagputol ng mga punongkahoy, talagang nakakagulat ang lumabas sa isang pag-aaral ng isang grupo ng mga scientist sa Yale School of Forestry and Environmental Studies sa United States.
Ayon sa pag-aaral na pinangunahan ni Thomas Crowther na isang postdoctoral fellow sa naturang pamantasan, sa kasalukuyan ay umaabot na sa 3.04 trillion ang bilang ng mga punongkahoy sa buong daigdig. Lubhang mas mataas ito nang walong ulit kaysa sa naunang pagtataya na 400 bilyong punongkahoy sa ating planeta. Lumabas ang bagong pag-aaral na ito sa journal na Nature, ayon sa ulat.
Sinasabi na gumamit ng satellite imagery, forest inventories at supercomputer ang mga scientist para makatulong sa pagbilang ng lahat ng mga punongkahoy sa buong mundo.
Ang 3.04 trillion na ito ay nangangahulugan na merong 422 punongkahoy sa bawat tao.
Pero, ayon sa mga scientist, kahit lumalabas na umaabot na sa trillion ang bilang ng mga punongkahoy, hindi pa rin ito magandang balita sa kapaligiran ng daigdig dahil ang kabuuang bilang ng mga punongkahoy ay bumaba ng 46 porsiyento mula nang umusbong ang sangkatauhan sa planetang ito. Tinatayang 15 bilyong punongkahoy ang pinuputol bawat taon.
Ilang taon na ang nakararaan, sa isang bayan sa Leyte, maraming mamamayan ang namatay sa biglang pagbaha nang malaki na isinisisi sa nakalbong bundok sa naturang lugar. Halos maubos ang mga puno na malaking bagay sana para makahadlang sa anumang pagbaha sa pamayanan.
Dahil na rin sa kaunlaran sa iba’t ibang panig ng mundo, mara-ming punongkahoy ang tinatagpas at itinutumba para bigyang-daan ang pagtatayo ng subdivision, mga pabrika at shopping malls.
- Latest