EDITORYAL – Huwag maging gahaman sa malaking tubo
NAGSULPUTAN ang iba’t ibang investment scams at marami nang naloko. Hindi lamang sa Metro Manila maraming nabiktima ng scams kundi pati sa probinsiya kung saan ang mga miyembro ay nag-invest ng kanilang perang matagal na pinag-ipunan. Ang iba ay ini-invest pati kanilang retirement pay. May mga guro, pulis, government employee at mga tindera. Itinodo na lahat dahil ang pangako ng investment company, babalik ang 45 percent ng pera sa loob lamang ng isang linggo. Masyadong nagahaman sa malaking balik ng kanilang pera. Sobrang laki nga naman sa loob lamang nang maikling panahon.
Pero ang inaasam na malaking balik ng pera ay hindi nagtuluy-tuloy. Sa umpisa lamang maganda. Pinadama lamang ang investors at saka lumipad na ang kompanya. Ang dating magandang opisina ay abandonado na. Hindi na matagpuan ang may-ari na nangako nang magandang bukas. Tinangay na ang perang ini-invest ng mga miyembro.
Noong nakaraang linggo, 4,000 investors ng Skyline Marketing ang humingi ng tulong sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para madakip ang may-ari ng nasabing investment company. Ayon sa mga nalokong investors, nangako ng 45 percent return sa kanilang ini-invest ang Skyline. Pero hindi raw natupad. Naglahong parang bula ang may-ari ng Skyline.
Nagpaalala ang Malacañang na huwag magpapatangay sa mga magandang alok ng mga investment company na magkakaroon nang malaking tubo ang pera. Imposibleng kumita ng 45 per cent sa loob lamang ng isang linggo ang pera. Walang ganito kalaking return. Scam umano ito.
Ang pagkagahaman sa malaking kikitain ang dahilan kaya marami pa ring nalilinlang. Hindi na natuto sa mga nakaraang scam kung saan, biglang naglaho ang investment company makaraang makalikom ng milyon mula sa mga miyembro. Marami nang nangyaring ganito. Huwag isapalaran ang perang pinaghirapan nang matagal.
- Latest