Hindi na kailangan pang maglakad ng sinuman sa tulong ng isang bagong gadget mula Japan
SALAMAT sa imbensyon ng Japanese engineer na si Kuniako Saito ay maaring hindi na kailangang pang maglakad ng mga tao. Nakalikha kasi siya ng isang gadget na tinawag niyang WalkCar na inilarawan niya bilang isang sasakyan na puwedeng bitbitin kahit saan.
Tinagurian niya itong “car in a bag” dahil kasinlaki lamang ng isang maliit na laptop ang WalkCar kaya kasyang-kasya ito sa isang bag.
Ayon kay Saito, napakadali lamang gamitin ng WalkCAr. Kailangan lamang tapakan ito ng gagamit at kusa na itong aandar. Kusa rin itong hihinto kapag umalis na ang gumagamit mula sa pagkakatapak nito. Madali lang din ang pag-iba ng direksyon dahil kailangan lang ibaling ng nakasakay ang kanyang bigat papunta sa nais niyang direksyon.
Higit na mas mabilis ang pagsakay sa WalkCar kaysa sa paglalakad dahil aabot sa bilis na 10 kilometro kada oras ang andar nito. Matibay rin ang tapakan nito na gawa sa aluminum na kayang magbuhat ng hanggang 120 kilo. Tipid din ang paggamit ng WalkCar dahil para itong cell phone na kailangan lang i-charge sa loob ng 3 oras.
Hindi katulad ng Segway na nauna nang naimbento ay mas madaling dalhin ang WalkCar sa iba’t ibang lugar. Lubha rin na mas mura ang naimbento ni Saito dahil inaasahang aabot lamang sa $800 (P37,000) ang bawat unit ng WalkCar kapag ipinagbenta na ito sa publiko.
- Latest