Sukang puti: Pampapayat
ANG sukang puti ay gawa sa acetic acid. Mabisa itong panlaban sa fungal infection, tulad ng alipunga, kulugo at balakubak. Ngunit may mga bagong pag-aaral na nagsasabi na maaaring makatulong ito sa diabetes at para pumayat.
1. Para sa diabetes:
Ang pag-inom ng sukang puti (o Apple Cider Vinegar) ay maaaring magpababa ng asukal sa dugo (blood sugar levels). Ayon sa pagsusuri ni Dr. Carol Johnston ng Department of Nutrition sa Arizona State University, ang pag-inom ng 2 kutsaritang sukang puti na inihalo sa isang basong tubig bago kumain ay makapi-pigil sa biglang pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain. Nakatulong ito sa mga taong may diabetes o kahit sa normal na tao.
Ayon kay Dr. Johnston, ang acetic acid ng suka ay posibleng pumipigil sa pagtunaw ng carbohydrate na ating kinain. Dahil dito, hindi na ito maa-absorb ng ating katawan at maidudumi na lang. Bukod sa pag-inom ng iyong regular na gamot sa diabetes, puwede rin itong subukan.
2. Para pumayat:
Ayon sa pagsusuri ni Elin Ostman, Ph.D. ng Lund University, ang pagkain ng tinapay na may kasabay na sukang puti ay makababawas sa pagkagutom pagkatapos kumain.
May isa pang research si Dr. Johnston, kung saan ang 30 katao ay kumain ng 2 kutsarang sukang puti, kasama ang kanilang pagkain sa tanghalian at hapunan. Pagkatapos ng 4 na linggo, nakita niyang pumayat ng 2 pounds ang lahat ng sumubok nito. May iilan pa nga ang pumayat ng 4 pounds.
Isang babala lamang: Ang purong suka ay matapang at acidic. Kapag hindi ito hinaluan ng tubig o pagkain, puwede itong makasira ng lalamunan, ipin at sikmura. Huwag din itong subukan kung ika’y may ulcer o hyperacidity.
Para hindi masyadong maasim, puwedeng paghaluin ang 1-2 kutsaritang sukang puti, kaunting honey o asukal, at isang basong tubig. Iniinom ito bago kumain.
Ang isa pang mas safe na paraan ng paggamit ng sukang puti ay ang paghalo nito sa iyong regular na kinakain. Gamitin ang suka para sa ensalada (huwag na ang mayonnaise dressing). Isawsaw sa suka ang pritong isda at kanin. Huwag po ito sobrahan. Ang 1-2 kutsaritang suka (5-10 ml) kasabay ng iyong pagkain, ay maaaring makatulong sa iyong pagpapapayat.
- Latest