Palakpakan ang mga pulis!
NAGTIIS ng gutom at pagod ang mga pulis para lang bantayan at mapanatiling tahimik at maayos ang 5-day visit ni Pope Francis sa ating bansa. Hamakin nyo, kung ilang oras na nakatayo ang ating mga pulis sa ceremonial route ng Santo Papa maging sa mga lugar kung saan binisita nito at nagdaos siya ng misa. Sa totoo lang, maging ang kanilang pamilya ay hindi nasilayan ng ating kapulisan dahil abala sila sa seguridad ng Santo Papa nga. Sinabi ni NCRPO chief Dir. Carmelo Valmoria na kahit hindi nila nakita ang kani-kanilang pamilya, nakaranas ng pagod at gutom sila, sulit naman dahil nakita nila ng personal si Pope Francis nang dumaan ito sa hanay nila. Maaring marami na akong naisulat na mga katiwalian at kung ano pang ilegal na pinasok ng ilang tiwaling pulis natin subalit sa pagkakataong ito, dapat lang silang ipagbunyi dahil sa tunay na trabaho na ipinakita nila sa papal visit. Palakpakan natin ang mga pulis mga kosa at siyempre sa liderato ni PNP OIC Dep. Dir. Gen. Leonardo “Dindo” Espina. Dahil sa matagumpay na seguridad ng Santo Papa, baka maging daan pa ito para maitaas na Acting si Espina, di ba mga kosa? T’yak ‘yun!
Sinabi ni Valmoria na mababa ang crime rate sa Metro Manila sa pagbisita ni Pope Francis. Siyempre, me nangyaring krimen subalit minor lang ang mga ito at hindi naman nakaapekto sa over-all crime situation ng bansa. Sa tingin ko naman, pati mga kriminal ay nangilin din dahil historic itong pagbisita ni Pope Francis at maaring matagal na panahon pa bago masundang muli.
Subalit ayon sa mga kosa ko, marami pa ring kriminal ang hindi pumansin sa sobrang dami ng pulis na naka-deploy sa papal visit at tumira pa, tulad ng mga pickpockets at salisi. Boom Panes! At tiyak hindi na nakarating sa blotter ng ating PNP ang ginawang kabulastugan ng mga kupal na ito, di ba mga kosa? T’yak ‘yun! Bahala na ang Maykapal na magparusa sa inyo, mga halang ang kaluluwa! Boom Panes!
Ilang araw nang nilisan ni Santo Papa ang bansa subalit andun pa rin ang euphoria o kaligayahan sa mukha ng mga Katoliko na nasilayan siya. Maging sa inuman sa kalsada o kung saan man, ang mahalagang topic o madalas pag-usapan ay ang pagbisita ni Pope Francis at nilampasan pa ang Game 7 sa ngayon ng San Miguel Beer vs Alaska sa All-Filipino finals ng PBA. Tama ba ako mga kosa? Hehehe! Tumpak!
Kung sabagay hindi lang ang mga pulis ang dapat purihin kundi maging ang ating mga sundalo at iba pang government agencies na aktibo sa Pope Francis security, tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Kaya palakpakan din natin sila mga kosa! Tulad ng PNP, tumayo rin sila sa kalye at nakaranas din ng gutom at pagod. T’yak ‘yun!
Pero ang dapat talaga nating salubungin ng masigabong palakpakan ay si Manila Archbishop Cardinal Tagle na naging pasimuno sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa. Mabuhay ka Cardinal Tagle!
- Latest