Manong Wen (159)
HINDI sana bibigyang pansin ni Jo ang babae pero nagtaka siya nang makitang nakatingin ito sa kanya. Nilampasan niya ang babae at nang muli niyang tingnan, nakatingin pa rin sa kanya. Ganunman, hindi na niya muli pang tiningnan ang babae. Maaaring napagkamalan lang siya ng babae kaya ganoon na lamang ang tingin sa kanya. Baka nagkataong kamukhang-kamukha niya kaya hinabol siya ng tingin. Sa tantiya niya ay mga 54 o 55 years old ang babae. Balingkinitan ang katawan at maganda. Makinis ang kutis. Parang nakakita na siya ng ganoong ganda. Saan nga siya nakakita ng ganoong ganda? Hindi niya maalala.
Pero lalo pang nagtaka si Jo nang kinabukasang magbalik sa Recto ay muli na namang nakita ang babae. Inaabangan ba siya ng babae? Bakit parang alam na alam nito ang oras nang pagdaan niya sa Recto? Bakit titig na titig siya?
Nagpatuloy sa paglalakad si Jo at kunwari’y hindi nakikita ang babae. Nang malayu-layo na, muli siyang lumingon at nakita niyang nakatingin pa rin sa kanya ang babae. Siya talaga ang tinitingnan.
Nag-isip na si Jo. Delikado ito. Baka ang babae ay may kaugnayan sa Chester Kidnapping Group at balak siyang iligpit. Baka nagbuo ng bagong grupo at ang babae ang naatasang alamin kung saan siya nakatira. Pero wala sa itsura ng babae na may kaugnayan sa kidnapping group. Mukhang kagalang-galang ang babae. Mahirap paniwalaan.
Nang umuwi siya sa probinsiya ay agad niyang ikinuwento kay Princess ang tungkol sa babae.
“Sino kaya ’yun, Jo?’’
“Hindi ko nga alam, Princess. Kutob ko nga kasapakat ng Chester kidnapping syndicate.’’
“Diyos ko! Huwag naman dahil hindi pa tayo nakakabawi sa dinulot ng Chester na ’yun.’’’
“Pero haka-haka ko lang naman ’yun.’’
“Mag-ingat ka Jo. Kung huwag ka na kayang pumunta sa Maynila.’’
“Marami pa akong inaasikaso, Princess.”
“Mag-ingat ka.’’
(Itutuloy)
- Latest















