Mga estudyante sa Korea, nakagawa ng balsa mula sa mga supot ng sitsirya
UPANG mapatunayan na puro hangin lamang ang laman ng mga supot ng sitsirya na itinitinda sa merkado, isang grupo ng mga estudyante sa Korea ang nakaisip ng isang proyekto: ang makagawa ng isang balsa na lulutang sa tubig at masasakyan ng tao.
Ang grupo ay binubuo ng apat na magkakaibigang estudyante. Naisip nilang isagawa ang proyekto dahil pakiramdam nila ay nalulugi ang mga mamimili sa dami ng hangin na laman ng mga supot ng sitsirya na kanilang binibili.
Gustong ipakita ng grupo na ang mga bag ng sitsirya ay mga epektibong materyales para sa paggawa ng balsa na siguradong hindi lulubog dahil sa dami ng hangin sa loob ng mga supot. Upang makagawa ng balsa, pinagdikit-dikit nila ang 160 na supot ng sitsirya gamit ang packaging tape upang makabuo ng isang balsa na kayang magsakay ng dalawang tao.
Nang matapos ang balsa mula sa mga supot ng sitsirya, dinala ito sa Ilog Han at sumakay ang dalawang estudyante. Tagumpay ang kanilang proyekto sapagkat nakapaglakbay sila sa layong 1.3 kilometro.
Ayon sa mga estudyanteng gumawa ng balsa, hindi naman nila nais magsimula ng isang boycott laban sa mga kompanya ng sitsirya. Layunin lamang nilang mabigyang-diin ang karaniwang hinaing ng mami-mili hinggil sa kakaunting laman ng mga supot ng sitsirya. Marami pa umano ang hangin kaysa laman.
- Latest