Online Pinoy dumarami
UMAABOT na sa 38 milyon ang mga gumagamit ng internet sa Pilipinas hanggang kalagitnaan ng 2014, ayon umano sa Internet and Mobile Marketing Association of the Philippines. Medyo malapit na sa kalahati ng kabuuang populasyon ng Pilipinas na umabot na ngayon sa 100 milyon.
Maliban sa pagsasaad na two-third ng mga nagbubukas ng internet ay may edad na 30 anyos pababa, hindi idinetalye sa ulat ang sinasabi ng IMMAP kung sino-sino sa Pilipinas ang regular o madalas na gumagamit ng internet. Malamang na mga professional sila, estudyante, empleyado, negosyante, guro, duktor, mga maybahay, o mga pamilya o kamag-anak ng mga Pilipinong nagtatrabaho o permanenteng naninirahan sa ibang bansa at iba pa. Nariyan din iyong mga tao na naghahanap ng makakasama sa buhay na nabuhayan ng pag-asa na makakilala ng makakarelasyon sa pamamagitan ng internet. Kahit naman sa hanay ng mga ordinaryong manggagawa at magbubukid ay meron na ring nakakapag-online na rin. Dapat ding isaalang-alang ang mga dayuhan dito sa Pilipinas na maaasahang nagbubukas ng internet para sa pakikipag-ugnayan nila sa kanilang mga pamilya, kaibigan, katrabaho o kasamahan sa negosyo sa sariling bansa
Sinasabi lang sa ulat na, ayon sa IMMAP, two-third ng mga gumagamit ng internet ay may edad na mula 30 anyos pababa. At, nitong Setyembre 2014, umaabot sa 22 milyon ang bilang ng mga Pilipino na nakakapagbukas ng kanilang Facebook account sa pamamagitan ng smartphone o tablet lalo na sa Android phone. Malayo pa sa kalahati ng populasyon. Ito rin siguro ang paliwanag kung bakit mabagal ang pagpasok ng mga smartphone sa Pilipinas dahil na rin sa kamahalan. Pero pinapatunayan lang sa datos na ito ng IMMAP kung gaano na karami ang nagbubukas ng internet sa mga smartphone o tablet bagaman kahit naman sa mga ordinaryong cell phone ay marami rin ang nag-iinternet dito.
• • • • • •
Kung paniniwalaan ang prediksyon ni Seth Shostak, senior astronomer ng Search for Extraterrestial Intelligence Institute, sa loob ng 20 taon ay maaaring makasagap na ang Daigdig ng radio transmission mula sa alien civilization. Patuloy daw ang pag-unlad ng computer processing power at ng radio telescope technology na makakatulong para makontak ng tao ang mga nilalang na namumuhay sa ibang planeta.
- Latest