Manong Wen (13)
“ETO po Mang Jo, tikman mo po ang bibingka ko,” sabi ni Princess at iniabot ang piraso ng bibingka na nasa pinggan kay Jo.
Tinikman ni Jo.
“Masarap nga. Kakaiba sa mga bibingka na natikman ko.’’
“Special po ang bibingka ko.’’
“Oo nga,” sabi ni Jo at kumagat pa sa hawak na bibingka. “Anong sekreto ng bibingka mo?”
“Kailangan po ay magandang klase ng bigas at kapag niluluto na ay dahan-dahan ang apoy. Tingnan mo po at pantay ang luto. Yung iba pong bibingka na itinitinda ay hindi pantay ang luto kaya hilaw ang gitna.”
“Napakalambot ng bibingka at saka meron akong nalalasap na sarap sa gitna. Ano yun?”
Nagtawa muna si Princess bago sumagot, “Buko po yun. Sariwang buko po na kinayod ko ng manipis at saka inilagay sa gitna.”
“Kaya pala masarap. Walang kasingsarap.’’
“Si Tatay po ang nagturo sa akin ng pagluluto ng bibingka. Ang kaibhan po ay itlog na pula ang nilalagay ni Tatay sa ibabaw. Pero sa akin ay iba. Buko ang inihalo ko.’’
“Mas masarap nga.’’
“Nakakaisandaang bibingka po ako sa umaga. Inilalako ko sa paradahan ng traysikel at dyipni. Ubos po kaagad. Marami nga po ang naghahanap pa pero wala na.’’
“Magkano ang kinikita mo?”
“Mga P500 po. Kalahating araw lang po yun. Nakakaraos na po kami ni Precious. Tiyagaan lang po. Ang mahirap lang ay kapag naubusan ako ng puhunan. Kasi naibibili ko ng gamit ni Princess ang puhunan. Mas mabigat kapag tuition na.’’
Napatingin si Jo kay Princess.
Hindi naman makatingin si Princess.
“Kung bigyan kita ng puhunan sa pagbibingka, gusto mo? Yung ipagagawa ka ng sariling tindahan para hindi mo na ilalako, okey sa’yo?”
Hindi makapagsalita si Princess pero nagniningning ang mga mata sa katuwaan.
“Ano Princess? Gusto mo ba?”
(Itutuloy)
- Latest