Manong Wen (12)
PERO kahit na umiyak si Princess dahil sa mga nangyari sa kanilang buhay, minabuti pa rin nito na ikuwento ang lahat kay Jo. Masakit man, gusto niyang malaman ni Jo ang mga nangyari.
“Kahit nga po nang nakaburol na si Tatay, hindi man lang dinalaw ni Inay. Umaasa po kami na kahit saglit lang ay dadalaw para silipin si Tatay sa huling pagkakataon pero wala siya. Talagang pinabayaan na kami. Di po ba kahit na may nagawang kasalanan pipilitin pa ring dalawin ang pamilya lalo pa’t ang anak ay parehong babae. Wala na po kaming halaga sa kanya. Meron palang ganung ina.’’
Tahimik lang si Jo. Tapos na siyang kumain. Nabusog siya sa luto ni Princess.
“Akala ko po, ayon sa mga narinig at nabasa ko, hindi raw kayang iwan ng ina ang kanyang mga anak. Hindi pala totoo iyon. May ina rin na nakatitiis na hindi makita ang kanyang mga anak.’’
“Ang kapatid mong si Precious, ano ang kanyang reaksiyon?”
“Galit po siya kay Inay. Ayaw daw niya itong makita.’’
“E ikaw?”
“Siyempre po, galit din. Hindi ko po kasi malilimutan ang pagsasakripisyo sa amin ni Tatay. Si Tatay ang umako ng responsibilidad na dapat ay si Inay ang gumawa. Napakabait ni Tatay. Hindi ko narinig na nagreklamo siya o kaya’y nagalit man lamang.’’
“Mabait talaga si Manong Wen.’’
“Naisip ko nga po, sana si Ina yang namatay at hindi si Tatay.’’
Napatingin nang tuwid at walang kakurap-kurap si Jo kay Princess. Talagang galit ito sa ina.
“Kung sino pa ang mabait, siya ang nawala.’’
“Paano kung dumating dito ang inay mo? Tatanggapin mo?”
Umiling si Princess.
Hindi na nagtanong pa si Jo.
Maya-maya, may inialok si Princess.
“Gusto mo po ng bibingka?”
“May bagong luto?”
“Opo. Mainit pa po. Tikman mo po ang bibingka ko. Special po.’’
“Aba sige. Tikman ko.”
Kinuha ni Princess ang bilao na may lamang bibingka.
(Itutuloy)
- Latest