Napakaraming sana
MAY mga nangyaring hindi inaasahan sa katatapos na eleksiyon, tulad ng pagkatalo ng mga namayagpag sa mga survey, pagkapanalo ng mga kandidatong hindi naman masyadong kilala, pagbagsak ng ilang political dynasties, at pagkatalo ng maraming artista.
Simula na nga kaya ito ng pagbabagong pulitikal dito sa ating bansa? Senyales kaya ito na nalalapit na ang pagbagsak ng political dynasties? Titigil na kaya ang mga artista at mga media personalities sa pagpasok sa pulitika? Sana.
Ayon sa mga political analysts, ang mga nangyaring hindi inaasahan ay bunga ng matalinong boto ng mga botanteng millennials na edad 29 hanggang 44 at Gen Z na edad 18 hanggang 28. Sa pampanguluhang eleksiyon sa 2028 ay lalong darami ang mga botanteng mula sa edad na ito.
Pero malayo pa ang 2028. Ang kailangan nating subaybayan at suriing mabuti ay ang magiging mga kaganapang pulitikal simula ngayon. Inatasan na ni President BBM ang pagbibitiw ng mga miyembro ng Gabinete at iba pang matataas na opisyales ng kanyang administrasyon.
Mababa ang nakuhang marka ng administrasyon sa unang hati (nakaraang tatlong taon) ng termino nito. Napapanahon ang hakbang tungo sa Cabinet revamp at government reorganization. Napakahalaga na ang mga iuupo ay mga taong subok ang kakayahan at dignidad.
Ito na ang huling chance ni BBM na makabawi. Kailangang masolusyunan ang lumalalang kahirapan, kawalan ng maayos na trabaho, patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo, kasalatan sa pagkain na katulad ng bigas, patuloy na paglaganap ng katiwalian at ilegal na droga, pagbagsak ng kalidad ng edukasyon, lalong paglala ng trapiko, pagsama ng public transport system, at marami pang pambansang problema.
Isang bombang nanganganib sumabog ang impeachment trial ng Senado kay VP Sara. Magreresulta ito sa lalong paglala ng pagkakampi-kampi hindi lamang ng mga pulitiko kundi ng mga mamamayang Pilipino. Pero sana ang lumutang sa impeachment trial ay hindi ang pagkakampi-kampi, kundi ang katotohanan.
Sa halip na isang political exercise, sana ang paglilitis na ito’y maging isang malinis na exercise ng paghahanap ng katotohanan at katarungan. Sana’y lumutang ang mabuting pagkatao ng mga Senador at Kongresista sa buong panahon ng paglilitis. Sana ang bansang Pilipinas ang tatanghaling panalo.
Idagdag pa rito ang napipintong paglilitis ng ICC kay dating Presidente Duterte dahil sa kasong crime against humanity. Habang nakapiit sa pasilidad ng ICC sa The Hague, Netherlands, sana’y mapangalagaan ang kaligtasan at kalusugan ng dating Presidente. Ngunit higit sa lahat, sana’y mapangalagaan ang katotohanan at katarungan na naipagkait sa libu-libong napatay dahil sa war on drugs ng Duterte administration.
Malaki ring banta sa ating seguridad ang patuloy na panggigipit at panghihimasok ng China sa mga teritoryong sakop ng sobereniya ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Mas malaki itong bomba na nanganganib sumabog. Sana’y maging matatag ang Pilipinas sa paninindigan nito bilang isang bansang malaya. Ngunit sana’y hindi mauwi sa madugong konprontasyon ang pangangalaga natin sa ating teritoryo.
Napakaraming sana na kumakatawan sa ating kolektibong pagnanais na tayo’y magtagumpay laban sa mga pambansang krisis. Ang mga sana ay kapahayagan din ng ating ganap na pagtitiwala na ang makapangyarihang Diyos ang kikilos upang maging katotohanan ang ating mga sana.
- Latest