^

Punto Mo

EDITORYAL — Maraming ugat ang ­trahedya sa Tacloban

Pang-masa

HANGGANG ngayon, mainit pang pinag-uusapan ang nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22 na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat nang marami. Mga menor-de-edad ang sangkot sa krimen na walang patumanggang namaril sa mga classroom.

Matapos ang trahedya, nabaling ang atensiyon sa online game na GoreBox na umano’y nilalaro ng isa sa mga suspek. Iniutos na ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ang pag-block sa GoreBox habang umuusad ang imbestigasyon.

Tama lang na silipin ang anumang online content na maaaring nakaimpluwensiya sa kabataan subalit hindi dapat ikulong ang usapin sa isang laro lamang. Mayroon dapat pang tingnan na pinag-ugatan ng trahedya.

Ayon sa Department of Justice, hindi simpleng bullying ang nasa likod ng pamamaril kundi mas malalim na impluwensiya mula sa mararahas na online spaces at mga grupong nagra-radicalize sa kabataan. Sa panahon ngayon, ang ilang gaming platforms at online communities ay hindi na basta libangan. May chat, avatars, private groups at algorithm na maaaring maglapit sa bata sa maling impluwensiya, karahasan at mapanganib na ideolohiya.

Hindi rin lamang gaming platforms ang dapat pag-usapan. Sa mga streaming apps, social media reels at maging sa ilang palabas sa telebisyon, mada­ling makapanood ang mga bata ng eksenang puno ng baril, patayan at paghihiganti. Hindi awtomatikong nagiging marahas ang isang bata dahil lamang sa napapanood niya, ngunit delikado kapag paulit-ulit na naihahain ang karahasan bilang paraan ng entertainment.

Hindi rin maaaring kalimutan ang tanong: bakit ganoon kadali magkaroon ng access sa baril ang mga menor-de-edad? Kahit gaano karahas ang nakikita online, hindi ito dapat humantong sa patayan kung walang armas na napupunta sa kamay ng bata. Dapat managot ang sinumang nagpabaya sa pag-iingat ng mga baril na ginamit sa krimen.

Mahalaga rin ang seguridad sa paaralan. Ang paaralan ay dapat ligtas na lugar para matuto, hindi lugar na kinatatakutan ng mga estudyante at guro. Kailangan ng maayos na security protocols, anti-bullying mechanisms, guidance counselors at mabilis na pagtugon sa mga senyales ng panganib.

Hindi sapat na i-block ang isang laro matapos ang trahedya. Kailangang bantayan ang lahat ng online spaces, palakasin ang paaralan, gabayan ang pamilya at suportahan ang mental health ng kabataan. Kung hindi kikilos ang lahat, mauulit ang trahedya at maaring mas malala pa. Bunutin ang pinag-ugatan ng trahedya.

TACLOBAN CITY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with