Obituary ng Facebook, naglalagablab
NITONG mga nakaraang buwan, naglalagablab ang obituary ng Facebook na isang patuloy na sinusundang social media na kahit marami na ang umaalis o nagsawa sa paggamit nito ay marami pa rin ang pumipirmi at aktibo sa platform na ito. Marahil, ang “obituary section” na ito ay kasingtanda na ng Facebook mula nang itatag ito noong taong 2004. Hindi na mabilang ang mga patay na nairehistro rito.
Malimit, kahit sa kalaliman ng gabi o bungad ng umaga, bubulaga na lang sa newsfeed nito ang pagkamatay ng ilang kilalang personalidad o kaya mga kontrobersiyal na tao. Artista man, singer, musikero, pulitiko, makata, pintor, opisyal ng gobyerno o pribadong organisasyon, malaking negosyante, propesyonal, pilantropo, aktibista. Halimbawa rito ang tila magkakasunod na obituary nina Gloria Romero, Pilita Corrales, Nora Aunor, Hajji Alejandro, Ricky Davao at Freddie Aguilar.
Maging ang pagpanaw ng mga hindi kilala at ordinaryong mamamayan ay ibinabahagi at ikinakalat sa “obituary” ng Facebook. Maaaring asawa, anak, kapatid, kamag-anak, kakilala, kaibigan, kaopisina, kabarkada, kapitbahay, kaalitan, partner sa negosyo, kalaro, kababata, titser, kaeskuwela, kasamahan sa organisasyon o institusyon. Kilala man o hindi kilala. Malapit ka man sa kanya o hindi. Mababalitaan na lang sa social media ang kanilang pagkamatay.
Kung minsan, may detalye tulad ng sanhi ng pagpanaw, petsa at lugar ng burol at libing. Merong bata pa o matanda na, mayaman o mahirap. May mga binawian ng buhay dahil sa aksidente, karahasan at kalamidad pero malimit na dahilan ang sakit. Mga dahilang nagpapaalala na lahat may hangganan na sino man sa atin ay mawawala rito sa lupa. Nauna lang sila. May mga pagkakataong malalaman na lang sa newsfeed na matagal nang may iniindang sakit noong nabubuhay pa ang pumanaw na tao.
Kamakailan, napabalita na maraming Pilipino ang may iniindang tinatawag na “silent killer”. Tinutukoy dito ang alta presyon o hypertension. Sakit na umaatake nang walang babala. Kadalasang walang sintomas kaya hindi namamalayang meron nito kahit walang nararamdamang masama sa katawan.
Nabatid sa datos ng 2023 Expanded National Nutrition Survey na ibinahagi ng Philippine Information Agency na isa sa bawat 10 Pilipino na edad 20-59 ang may alta presyon. Maraming Pinoy ang walang kamalay-malay sa kundisyon nilang ito kaya tahimik nitong pinipinsala ang kanilang katawan. Tumataas ang tsansa ng stroke, atake sa puso, at iba pang cardiovascular disease.
Ayon sa mga eksperto, mapanlinlang minsan ang mga sintomas ng alta presyon kung nararamdaman ito. Ang sakit ng ulo, pagkahilo at kahirapang huminga ay karaniwan ding sanhi ng ibang kundisyon sa katawan kaya mahirap itong malaman kung hindi ipapatingin sa duktor. Lumabas sa isang datos ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo 2022 na ang hypertension ang ikalimang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino. Noong 2021, ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Heart Association, 37 percent ang mga kaso ng hypertension sa Pilipinas. Pinakamataas na bilang ng mga insidenteng ito mula noong 1992.
Ilan sa nagpapataas ng altapresyon ang sobrang pagkain ng maaalat na pagkain, kakulangan sa ehersisyo, sobrang bigat ng katawan, sobrang pagod, kakulangan sa pagtulog, paninigarilyo, labis na alak.
Maraming implikasyon ang idinudulot ng hypertension kung hindi nababantayan. Nakasisira ito sa puso, utak, kidney at iba pang lamanloob ng katawan. Dagdag na pahirap sa taong may mataas na altapresyon ang gastusin sa pagpapagamot o pagpapaospital kung wala siyang regular na mapagkukunan ng pambayad dito. Gayunman, meron ka mang pampagamot o wala, mahalaga pa rin ang kaukulang pag-iingat.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















