Higanteng pato sa China, nawala matapos tangayin ng baha
ISANG dambuhalang pato na gawa sa goma at plastic ang nawala sa ilog kung saan ito nakalutang matapos tangayin ng isang matinding baha.
Ang pato, na may taas na 59 na talampakan, ay nawala na parang bula sa ilog Nanming sa probinsya ng Guinzhou sa China matapos ang ilang sunud-sunod na araw ng malalakas na ulan at baha.
Napakalakas ng ulan at bahang tumama sa nasabing ilog. Dahil sa bigat (dalawang tonelada) ng pato at sa pagkakatali nito gamit ang mga makakapal na alambreng gawa sa bakal, hindi ito dapat basta-bastang maanod at mawawala.
Ang higanteng pato ay obra ng Dutch na si Florentijn Hofman. Nakapunta na sa iba’t ibang bansa ang kanyang likha katulad ng Brazil, Australia, at Netherlands. Ayon kay Hofman, nilikha niya ang dambuhalang pato upang maengganyo ang publiko sa pagtangkilik sa mga gawang sining. Hindi naman siya nabigo sa kanyang layunin dahil laging patok ang kanyang pato saan man ito mapadpad.
Hindi ito ang unang beses na nadisgrasya ang pato ni Hofman. Pumutok ito noong ito’y nasa Taiwan dahil tinuka ng mga agila. Napinsala na rin ito matapos ang ilang lindol at bagyo.
Gayunpaman, napalitan din kaagad ang mga ito ng mga bagong higanteng pato kaya siguradong mapapalitan din ang patong tinangay ng baha sa lalong madaling panahon.
- Latest