^

Punto Mo

Pinakamalaking Eroplanong papel pinalipad sa Arizona

- Arnel Medina - Pang-masa

MARAMING bata ang naaaliw sa pagpapalipad ng mga eroplanong gawa sa papel. Nakakaaliw kasi ang pagtutupi ng papel upang gawin itong hugis eroplano at ang makita itong lumipad sa ere pagkahagis. Pero sa kabila ng pagiging isa lamang pambatang liba­ngan nito, naniniwala ang isang museo sa United States na ang paggawa ng mga eroplanong papel ay nakakatulong sa pagiging malikhain ng mga bata.

Kaya naman upang mabuhay muli ang interes ng mga kabataan hindi lamang sa mga eroplanong papel kundi pati na rin sa pagpapalipad at pagdidisenyo ng mga totoong eroplano ay gumawa ang Pima Air & Space Museum ng isang dambuhalang eroplanong gawa sa papel na may habang 14 na metro at may mga pakpak na may lapad na 24 na metro.

Nagsimula ang proyekto nang naglunsad ang nasabing museo ng isang patimpalak na sinalihan ng mga batang anim na taon hanggang 14. Ang bawat isa sa sa mga sumali ay gumawa ng mga eroplanong papel ayon sa sarili nilang disenyo. Sa huli ay pumili ng isang eroplano ang museo mula sa mga nagawa ng mga bata base sa itinagal nito sa ere.

Ang napiling eroplanong papel ay idinisenyo ng 12 taong gulang na si Arturo Valderama. Sa kanyang likha ibinase ang di­senyo ng dambuhalang eroplanong papel na ginawa ng museo.

Pinangalanang Arturo’s Desert Eagle bilang pagkilala sa nagdisenyo nito, ang dambuhalang eroplanong papel ay dinala sa isang disyerto sa Arizona upang doon paliparin. Dahil sa bigat nitong 800 pounds, kinailangang hilahin ito pataas sa ere ng isang helicopter. Nang marating ang taas 2,700 na talampakan ay pinakawalan na nang helicopter ang eroplanong papel. Lumipad ito ng mga 10 segundo sa bilis na 160 kilometro bawat oras.

Bagamat hindi ganoon katagal ang inilipad nito sa ere ay maituturing pa ring tagumpay ang proyekto ng Pima Air & Space Museum.

Ayon sa tagapagsalita ng museo, ang layunin naman talaga ng kanilang proyekto ay ang mapaunlad ang pagiging malikhain ng mga kabataan at nang sila ay magkaroon ng interes sa agham. Nakamit nila ang layuning ito nang ma­balitaan nilang pinaplano na ni Arturo, ang batang nanalo sa kanilang patimpalak, na maging isang inhinyerong nagdidisenyo ng mga eroplano balang araw.

 

ARTURO VALDERAMA

DESERT EAGLE

EROPLANONG

ISANG

PAPEL

PIMA AIR

PINANGALANANG ARTURO

SPACE MUSEUM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with