EDITORYAL - Kahit nabasura ang PDAF…
NAGDESISYON na ang Supreme Court: Labag sa Konstitusyon ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel. Pinatitigil na rin ng SC ang paglalabas nang natitira pang P24.79 bilyong pork barrel ng mga kongresista at senador para sa 2013. Wala na ring isasamang budget para rito sa susunod na taon. Ibig sabihin, sa susunod na taon ay talagang wala nang aasahang pork barrel ang mga mambabatas. Ang mga kongresista ay may P70 milyon pork barrel samantalang P200 milyon sa mga senador.
Nabuking ang pork barrel scam nang idiin si Janet Lim Napoles, umano’y “utak†ng scam ng sariling tauhan. Nakapagbulsa si Napoles ng P10 bilyon mula sa PDAF. Sinampahan na ng kaso si Napoles, tatlong senador at mahigit 20 kongresista.
Maraming natutuwa at nagdesisyon na ang SC sa PDAF na ilang buwan na ring nagpapakulo sa dugo ng mamamayan. Apat na sunud-sunod na protest-rally na ang ginanap para buwagin na ang PDAF subalit walang ginagawa ang Aquino administration. Hindi makuntento ang mamamayan sa sinabi noon ng Presidente na wala nang PDAF. Gusto ng mamamayan ay sabihin mismo na inaalis na ang PDAF. At ngayong ang SC na ang nagdesisyon, mayroon nang katiyakan ang mamamayan na hindi na nga mamamayani pa ang “hayop†na PDAF na ugat ng katiwalian.
Sa pagbasura sa PDAF, hindi naman dapat mawala ang igting na maparusahan ang mga sangkot sa pork barrel scam. Hindi sana manlamig ang mamamayan para ganap na malaman ang katotohanan sa paglustay sa PDAF. Sinabi naman ng SC sa ruling na pananagutin ang mga may sala sa paglustay ng pondo.
Binasura na ang PDAF pero dapat pa ring magÂbantay at baka may lumutang na bagong illegal. Huwag kukurap at baka mayroong mangorap.
- Latest