International media sa Yolanda victims
TINUTUTUKAN ng international media ang gjnagawang relief operations ng gobyerno sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda.
Ayon sa report ni CNN journalist Anderson Cooper, hindi organisado ang gobyerno sa pagtulong sa mga nabiktima ng kalamidad. Lumilitaw aniya na demolition at hindi construction job ang nangyayari sa Tacloban City.
Ipinaliwanag ni Cooper na ito na raw ang pinaka-malalang naikober niya bilang journalist na hindi maayos ang pagkalinga sa mga biktima. Pinatotohanan ang sinabi ni Cooper ng kanyang kapwa CNN journalist na si Paula Hancocks at Jon Donnison ng BBC.
Hindi maaaring sabihing gawa-gawa lamang ng nasabing mga dayuhang mamamahayag ang kanilang report na kapalpakan sa relief operations dahil personal nila itong nasaksihan. Wala rin naman silang pakialam sa pulitika sa bansa.
Sa halip na mangatwiran, nagdepensa ang gobyerno sa paÂngunguna ni DILG Secretary Mar Roxas. Sabi ni Roxas, hindi raw totoong mabagal at palpak ang relief operations.
Sana, gawing positibo ang pagpuna ng international media na layon lang naman na makatulong sa mga biktima ng kalamidad.
Dahil sa ginagawang coverage ng mga dayuhang jourÂnalists, nalaman ng buong mundo ang tunay na kalagayan ng mga sinalanta ni Yolanda kaya bumubuhos ang tulong. Ang negatibo nga lang sa coverage ng international media ay nalalaman din ng buong mundo kung gaano kabagal ang relief operations.
Dahil sa batikos ng international media, sana kalampagin ni P-Noy ang mga opisyal ng gobyerno na nangangasiwa sa relief operations. Pagbutihin nila ang trabaho at ipakita sa mundo na mabilis ang pamahalaan sa pagkalinga sa mga biktima.
Iwasan muna ang pulitika sa relief operations. Huwag magsisihan dahil ang kailangan dito ay pagkakaisa at pagtulung-tulong para matulungan ang mga biktima.
- Latest