Alarcon, Fortea bumida sa University of the Philippines
MANILA, Philippines — Binalikat nina Harold Alarcon at Terrence Fortea ang opensa para sa University of the Philippines upang takasan ang Adamson University, 69-57 sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City kahapon.
Tumipa si Alarcon ng 14 points habang nagtala si Fortea ng 13 markers para tulungan ang UP na ilista ang malinis na limang panalo at palakasin ang kapit sa liderato.
Niratrat ng Soaring Falcons ang Fighting Maroons sa first canto, 26-9 at lumubo pa ito sa 21 points, 31-9 sa kaagahan ng second quarter pero agad namang sumagot ang Katipunan-based squad ng 18-2 run para tapyasin sa anim ang hinahabol, 33-27 sa halftime.
Doon na nagsimula ang momentum ng Figting Maroons kaya naman na kontrol na nila ang laro sa second half at makuha ang malinis na limang panalo.
“Sometimes may mga game na ganon talaga… Napag-usapan na we just stick to the game plan, work as a team, look for better shots, at the same time on the other hand, we had to remind each other that defensively, we needed to work for it,” ani UP head coach Goldwin Monteverde.
Nakatuwang nina Alarcon at Fortea sina Quentin Millora-Brown at JD Cagulangan sa opensa matapos magtala ng 11 at siyam na puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Fighting Maroons.
“Sa team, we usually talk about how we respond sa mga challenges, and I believe for this game we responded well,” dagdag pa ni Monteverde.
Pasok pa rin sa magic four ang Adamson habang nasa second spot ang defending champions De La Salle University Green Archers na may 4-1 record at No. 3 ang University of Santo Tomas Growling Tigers na may 3-1 karta.
- Latest