EDITORYAL - Budget ng DepEd gamitin nang tama
ANG budget ng Department of Education (DepEd) para sa 2025 ay P793.1 bilyon.
Sabi ni Deped Sec. Sonny Angara, sa pagkakaapruba ng DepEd budget, maisasakatuparan na ang mga may kaugnayan sa edukasyon kabilang ang pagpapagawa ng mga school buildings, pagre-repair ng mga silid-aralan at mga pasilidad at ang implementation ng computeration program kung saan idi-digitalized ang mga classroom sa pamamagitan ng internet connectivity. Ayon kay Angara, maitataas na ang sistema ng edukasyon sa bansa. Lahat ng mga batang Pilipino ay makapag-aaral.
Isa sa dapat tuunan ay ang pagpapaunlad sa kaalaman ng mga kabataan. Matagal nang naiiwan ang mga estudyanteng Pilipino. Nangungulelat at hindi makaabante sa ibang mag-aaral sa ibang bansa.
Sa larangan ng Math, Science at Reading, kulelat ang mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante ng Singapore, Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, at Chinese Taipei. Nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para makapasa, kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading. Masyadong mababa ang nakuha ng mga Pilipinong estudyante.
Ilang buwan na ang nakararaan, nakita ang kahinaan ng mga Pilipinong estudyante na may edad 15 sa creative thinking. Sinusukat dito ang paggawa, pagsusuri at paglikha ng mga orihinal na ideya na isasalin sa mga epektibong solusyon. Sa iskor na 14, ang Pilipinas ay nasa ika-60 rank sa may 62 mga bansa na sumali sa assessment.
Sa 2024 World Competitiveness Ranking na inihanda ng International Institute for Management Development (IMD) na nakabase sa Switzerland, nasa ika-52 puwesto ang Pilipinas sa may 67 bansa.
Nakalulungkot naman na iniwan ni Vice President Sara Duterte ang DepEd na maraming problema. Nagbitiw si Sara noong Marso. Sa kabila na may malaking budget ang DepEd hindi nito naisakatuparan ang nararapat para mapaunlad ang edukasyon. Napag-iiwanan ang mga kabataang Pilipino sa maraming larangan.
Naging isyu rin ang school-based feeding program ng DepEd. Sampung rehiyon sa bansa ang hindi nakinabang ng feeding program na may budget na P5.69 bilyon.
Malaki ang pondo ng DepEd at sana nga, magamit ito nang tama. Kawawa ang mga batang mapagkakaitan ng karunungan kapag hindi nagamit nang maayos ang pondo.
- Latest