Fatty liver: Masama ba ito?
ANO ba ang tinatawag na fatty liver? Ito ay isang kondisyon kung saan nababalot ng taba ang atay. Kapag bahagya lang ang taba sa atay ay maaaring hayaan na lang ito. Ngunit kung marami ang taba ay puwedeng magdulot ng komplikasyon.
May 20% ng tao ang may fatty liver. Marahil ito ay dahil sa dami ng fast foods at hindi masustansyang pagkain sa ating paligid. Ang Pilipino ay mahilig sa lechon, crispy pata, pork chop, mantika, cake at pritong pagkain. Kapag may fatty liver ka, puwedeng tumaas ang tsansa mong magkaroon ng diabetes at sakit sa puso.
Dalawang klase ng fatty liver: Alcoholic fatty liver at non-alcoholic fatty liver. Ang una (alcoholic type) ay dahil sa pag-inom ng alak. Dapat iwaksi na talaga ang alak. At ang pangalawa (non-alcoholic type) ay dulot ng matatabang pagkain.
Kung may fatty liver ka, kadalasan ay mataas din ang iyong kolesterol sa dugo, blood sugar at uric acid. Malamang ay sobra ka sa timbang at malapad ang tiyan. Ang dapat na sukat ng tiyan ay 36 inches (pulgada) lamang sa mga lalaki at 31 inches lamang sa mga babae.
May ilang pagkakataon na puwedeng lumala ang fatty liver at mamamaga ang atay at magkaroon ng liver cirrhosis. Huwag nating paabutin sa ganitong kondisyon bago tayo magbago ng ating pamumuhay. Habang maaga pa at dapat nang maagapan ito.
Paano malalaman kung may fatty liver?
Masasabi natin na may fatty liver ang pasyente sa pamamagitan ng Ultrasound ng atay (Ultrasound of the Whole Abdomen). Nakasaad sa resulta na may fatty liver ka. Sa blood test, sinusuri rin kung tumataas ang lebel ng iyong SGPT at SGOT (liver enzymes).
Sa umpisa ay walang sintomas ang fatty liver. May ibang tao na sumasakit ang kanang bahagi ng tiyan. Ngunit kapag umabot sa liver cirrhosis ay malala na ito at magkakaroon na ng paninilaw ng mata, pamamayat, paglaki ng tiyan at pagmamanas ng paa.
Paano ang gamutan?
Walang simpleng tableta o operasyon ang kayang magtanggal ng taba sa atay. Ang gamutan sa fatty liver ay ang dahan-dahang pagbabago ng ating pamumuhay.
Una, itigil ang bisyo tulad ng alak at sigarilyo. Pangalawa, umiwas sa matataba at matatamis na pagkain. Palitan ito ng pagkain ng masustansyang gulay, prutas at isda.
Kung may mga kondisyon kayo tulad ng diabetes, mataas na kolesterol o mataas na uric acid, kailangan itong gamutin para hindi na lumala ang iyong fatty liver. Kung sobra sa timbang at malaki ang tiyan, kailangan na nating magpapayat.
Huwag balewalain ang fatty liver. Gamutin ito nang maaga para hindi lumala. Good luck po.
- Latest