Bato sa loob ng apdo (gall stones)
SA likod ng ating atay naroon ang apdo (gallbladder). Mahalaga ang apdo sa ating katawan. Kapag kumain tayo, nagpupundar ang apdo ng likidong kung tawagin ay bile upang tumulong sa pagtunaw ng pagkain tungo sa small intestine. Kakampi natin ang bile na ito. Para makapunta sa small intestine ang bile, dadaan ito sa tubo na tinatawag na bile duct. Nagkakaroon tayo ng problema kapag ang bile duct na ito ay nabarahan ng bato (gallstones). Puwedeng mamaga ang apdo.
Ang bato sa apdo ay mga namuong kristal ng cholesterol na naipon sa loob ng apdo. Puwedeng pino ito na parang mga buhangin o puwedeng buo-buo na mistulang bato na nasa kalye. Madilaw ang kulay ng mga batong ito kung cholesterol crystals ang pinagmulan ng bato. Pero minsan, hindi cholesterol crystals ang pinagmumulan ng bato sa apdo. Puwedeng namuo ito dahil sa pagtining (precipitation) ng calcium at bilirubin. Kung ganito ang mangyayari, hindi madilaw ang bato kundi maitim o dark brown. “Pigment stones†ang tawag dito.
Nabubuo ang mga batong ito sa loob ng apdo kapag ang ating atay ay nagpundar ng sobrang kolesterol. Ang likidong bile sa loob ng apdo ay natatalo ng sobrang daming kolesterol. Kapag nangyari ito, ang sobrang kolesterol ay magsisimulang mamuo sa loob ng apdo. Cholesterol crystals kung tawagin ito. Naiipon ito sa loob. Mula sa maliliit na particles ng cholesterol, puwede itong magdikit-dikit hanggang magkimpal-kimpal at mamuong parang bato.
Puwedeng manatili ang mga batong ito sa loob ng apdo o puwedeng makalabas sa pamamagitan ng bile duct. Pero kung makitid ang bile duct o kung may bara dito, maiiwan na rin doon ang batong ito, at hindi na makadadaloy ang “bile†kapag kumain tayo. Mamamaga ang apdo kapag nangyari ito.
Sinasabing mas madalas makita ang bato sa apdo sa mga kababaihang medyo may katabaan, at may edad kuwarenta pataas. Tandaan ang 3F para sa panganib nang pagkakaroon ng bato sa apdo: Female, Fat, Forty. Pero kahit ang mga kalalakihan ay puwede ring magkaroon ng bato sa apdo.
- Latest