EDITORYAL - Plastic ban
KUNG magkakaroon ng kaganapan ang ipinapanukala ni Cavite Rep. Lani Mercado na ipagbawal sa buong bansa ang paggamit ng plastic bag, maaaring mabawasan na ang mga basurang nakalutang sa dagat, ilog, estero at mga kanal. Imagine kung wala nang gumagamit ng plastic bag sa buong bansa, nakatitiyak na wala nang mangyayaring pagbaha sapagkat wala nang magpapabara sa mga pinagdadaanan ng tubig. Sa pag-aaral, napatunayan na ang mga plastic bag at supot ang nagiging dahilan ng pagbaha. Hindi natutunaw ang mga ito kaya malaki ang perwisyong nililikha sa kapaligiran.
Sa dagat bumabagsak ang mga basurang plastic. Kapag nagkaroon ng bagyo at lumaki ang mga alon, ang mga basurang plastic ay isusuka ng dagat sa dalampasigan. Lahat nang basurang tinapon ng mga walang disiplinang mamamayan ay ibabalik din ng dagat.
Halimbawa na lamang ay ang nangyayari sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa tuwing magkakaroon ng bagyo. Isinusuka ng Manila Bay ang maraming basurang plastic. Ikinakalat sa Roxas Blvd. ang mga basurang plastic na umaabot sa mahigit 20 dump trucks.
Marami nang lungsod sa Metro Manila ang nagbawal ng plastic bag. Nangunguna ang Muntinlupa City sa nagbawal sa paggamit ng plastic. Sumunod ang Las Piñas, Marikina City, San Juan, Quezon City at ang Makati City na kailan lang nagbawal sa paggamit ng plastic. Ang Maynila ay hindi pa nagbabawal sa paggamit ng plastic bag. Maraming estero sa Maynila ang namumutiktik sa basurang plastic.
Kung maipatutupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic sa buong bansa, maaaring wala nang malaÂlaking pagbaha na mangyayari lalo na sa Metro Manila. Kailangan din naman ang pakikiisa ng mamamayan para huwag nang magtapon ng basura kung saan-saan lang. Magkaroon na ng disiplina ang bawat isa para mailigtas ang kapaligiran.
- Latest