Nauuso ang pagtatago sa batas
NAUUSO ang pagtatago ng ilang kilalang tao na may pananagutan sa batas. Ang pinaka-huling nagtatago ay si dating police colonel Cesar Mancao na tumakas sa NBI detention cell. Gustong sundan ang yapak ni Sen. Panfilo Lacson na nagtago rin sa batas noong nakaraang taon.
Bukod kay Mancao, piÂnaghahanap din si retired Army Major General Jovito Palparan; Dinagat Islands congressman Ruben Ecleo Jr.; dating Palawan governor Joel Reyes at kapatid na si Coron mayor Mario Reyes, at negosyanteng si Delfin Lee.
Malaking hamon sa PNP at iba pang law enforcement agencies ang pag-aresto sa mga ito sa lalong madaling panahon. Ilang taon na ring nagtatago sa batas ang limang nabanggit at hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli at nadagdag pa ngayon si Mancao.
Ang kaibhan ni Mancao, nagpapainterbyu ito sa media hinggil sa kanyang mga hinaing samantalang ang limang wanted ay hindi na mahagilap. Naglaan na ng ilang milyong pisong pabuya ang PNP sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikadadakip ng limang wanted.
Kung tutuusin ay madaling makilala ang limang wanted dahil kilalang tao, pero dahil maimpluwensiya, patuloy na nakapagtatago at nalulusutan ang awtoridad. Kung maimpluwensiya kasi ang isang akusado ay hindi kayang maaresto samantalang ang isang pangkaraniwang mamamayan ay mabilis na nahuhuli dahil tinatrabaho ang pag-aresto.
Kung sa nakaraang liderato ng PNP ay hindi naaresto ang lima, abangan natin kung mahuhuli sila sa ilalim ni PNP chief Director General Alan Purisima. Nararapat na ipatupad ang mga hakbang upang bumuti ang kalagayan ng PNP. Paigtingin ang pagbibigay ng proteksiyon sa publiko at labanan ang mga criminal.
- Latest