Aksidente sa motorsiklo, mataas pa rin
Siyam sa sampung nasawi sa mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo, ang walang suot na helmet.
Ito ang lumabas sa Online National Electronic Injury SurÂveillance System ( ONEISS) ng Department of Health na nagsabi pa na kadalasang hindi na umaabot nang buhay sa pagamutan ang mga sangkot sa aksidenteng ito dahil na rin sa matinding pinsala lalu na sa kanilang ulo dahil sa walang suot na helmet nang mangyari ang aksidente.
Ang naturang ulat ay bahagi umano sa 13,883 na mga kaso ng mga nasaktan o napinsala sanhi ng disgrasya sa motorsiklo sa huling bahagi ng 2012 na nakalap mula sa 86 na pampubliko at pribadong ospital.
Bagamat mahigit sa kalahati o 59.8 percent ng total reported injury cases ay kinasasangkutan ng nasa edad na 20 hanggang 59-anyos at karamihan ay mga lalaki, nasa 343.7 percent din naman sa mga nadidisgrasya sa motorsiklo ay mga bata o hanggang 19-anyos.
Ito ay sa kabila na Marso pa ng taong 2010 napirmahan para maging batas ang Republic Act No. 10054 o ang Motorcycle Helmet Act kung saan nangunguna sa isinasaad ng naturang batas na lahat ng motorcycle riders, kasama ang driver at back riders ay kailangang magsuot ng protective helmet sa lahat ng panahon habang bumibiyahe sa mga lansangan, long o short drive man.
Nakasaad din nga dito na hindi basta helmet ang kailangan, dapat may tatak itong Phil. Standard (PS o Import Commodity Clearance (ICC) para na rin proteksyon sa mga rider.
Maraming isinasaad ang batas, pero ang mahirap hanggang sa ngayon ay hindi ito sinusunod o binabalewala ng marami. Kaya nga ang resulta hindi pa rin bumababa ang bilang ng mga nasasawi o nasusugatan sa mga aksidente sa motorsiklo sa mga lansangan.
Isama pa rito na tila hindi rin nagiging mahigpit ang mga kinauukulan o awtoridad sa panghuhuli sa mga lumalabag sa naturang batas.
Kaya nga lumalabas na balewala rin o sayang ang batas na ito.
- Latest