EDITORYAL - Kapag marumi ang lungsod, tiyak na may corruption
MAY magandang palatandaan ang Office of the Ombudsman para malaman kung ang isang lungsod ay batbat ng corruption. Malalaman daw ito kung ang lungsod ay napakarumi o tambak ang basura. Ayon kay Deputy Ombudsman for Luzon Gerard Mosquera, kapag ang isang lugar ay malinis, ibig sabihin, sumusunod ang mga tao. Kapag walang basurang nakikita sa kalye ang ibig sabihin ay maayos ang pamamahala sa lungsod at walang gaanong corruption.
Kaya sa ngayon, ayon kay Mosquera, isinusulong ng kanyang tanggapan ang istriktong pagpapatupad ng Solid Waste Management Act. Nakikipag-ugnayan na raw sila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at civil society groups para ganap na maipatupad ang batas. Si Mosquera ang itinalaga ng Supreme Court bilang Enviromental Ombudsman. Ayon pa kay Mosquera ang Office of the Ombudsman ay mahigpit ang pagnanais na malutas ang problema sa basura.
Mabilis nang malalaman ngayon kung ang isang lungsod ay batbat ng corruption. Pagmasdan lamang ang kapaligiran ng lungsod at presto, malalaman na kung gaano kabulok ang pamamahala. At tiyak na maraming lungsod sa Metro Manila ang mapapasama sa mga listahan ng corrupt kapag nakita ang karumihan ng kapaligiran. Mabibilang ang mga lungsod na sumusunod sa tamang pagtatapon ng basura.
Sa kasalukuyan, may mga lungsod na patuloy na gumagamit ng plastic bags ang mga residente. Ang mga plastic bags kapag hindi naging maayos ang pagtatapon ang nagiging dahilan ng pagbaha. Hindi natutunaw ang mga plastic at ito ang nagpapabara sa daluyan ng tubig. Maraming residente na ginagawang basurahan ang ilog o estero. Lahat nang kanilang dumi ay sa ilog ang tungo. Sa panahon ng tag-ulan at baha, lahat ng itinapong basura ay ibinabalik din sa bawat tahanan.
Kikilalanin ang mga lungsod sa Metro na marumi at nagtambak ang basura. Sila ang mga lungsod na batbat ng corruption.
- Latest