‘HIV positive’
LUBOS na nag-aalala ngayon ang Department of Health sa lumalaking bilang ng mga kababayan nating positibo sa Human Immunodeficiency Virus (HIV). Ang mas nakakabahala, malaking porsiyento ng mga positibo sa nakamamatay na virus ay kabilang sa sector ng kabataan.
Natural na sa kabataan ang pagiging mausisa at mapag-eksperimento sa pagtuklas ng iba’t ibang bagay o kaalaman sa kanyang kapaligiran.
Subalit sa modernong panahon ngayon, nakakabahala na ang pagiging mapangahas sa pagsubok ng iba’t ibang gawain na maituturing na iligal o imoral sa ating lipunan.
Nariyang mapabalita ang sunod-sunod na pagkakasangkot ng ilang menor de edad sa mga krimen, paggamit ng droga at pakikipagtalik sa murang edad. Dahil sa mas liberal na ang pag-iisip ng kabataan, nagiging bukas na ang kabataan maging sa pre-marital sex.
Minsan nang naka-engkwentro ang BITAG ng kaso ng isang binatang nalulong sa pakikipagtalik sa iba’t ibang lalaki. Isang tip ang kanyang isinumbong sa BITAG hinggil sa operasyon ng isang sinehan sa Cubao, Quezon City na pugad ng prostitusyon ang pambubugaw.
Ang lahat ng mga parukyano nila, hindi palabas sa sinehan ang tinatangkilik kundi ang serbisyo ng mga nakatambay na callboy sa labas na nag-aabang ng mga kostumer.
Pagdating sa loob, tatambad sa iyong mga mata ang mga magkakatabing magkakapareha na sinasamantala ang kadiliman sa pagtugon ng tawag ng kanilang laman. Dito sa sinehang ito nakuha ng binata ang kanyang sakit dahil sa maruming lalaking nakakatalik.
Makailang ulit itong naisailalim sa operasyon ng BITAG kasama ang mga operatiba mula sa Criminal Investigation and Detection Group dahil sa paulit-ulit na pagbubukas at pagpapatuloy ng kanilang operasyon kahit ipinagbawal na.
Patunay lamang ito na sa tuwing may sumbong, hindi tumitigil ang BITAG hangga’t hindi ito tuluyang nareresolba.
- Latest