Lampong (145)
MATAGAL na nagmanman sa unit ni Puri si Dick. Pero wala talagang tao roon. Wala si Puri. Ibig sabihin, nasa Baguio pa ito. Yung babaing nakita niya sa mall kaninang umaga ay kamukha lang. Kung narito na si Puri e di sana, may tao na sa unit.
Nasaan naman kaya si Jinky at ang anak niya? Baka kinuha na ng mama ni Jinky ang bata. Nalaman na marahil ang kalagayan ni Jinky. At pinasya na dalhin na lamang ang bata sa probinsiya. O baka naman pati si Jinky ay doon na rin manirahan.
Nakahinga nang maluwag si Dick. At least makakaiwas na siya kay Jinky. Wala na siyang pangingilagan. Hindi na siya mahuhulog sa bitag nito. Hindi na siya magkakasala kay Puri. Wala nang banta sa kanya. Pinuproblema rin niya si Jinky nitong mga nakaraang araw. Kung siguro’y lalaki siyang walang direksiyon ang buhay baka matagal na niyang pinatulan si Jinky. Kaso nga’y mahal niya si Puri. Ayaw niyang magkasala rito.
Muli niyang sinulyapan ang unit ni Puri. Naisip din naman niya na baka naman nasa loob si Jinky at mayroong kasamang lalaki. Posible iyon. Ilang beses na niyang nahuli si Jinky na may katalik na lalaki.
Napailing-iling na lang siya. Huwag na niyang problemahin iyon. Ang ipagpasalamat niya ay hindi siya ang katalik ni Jinky. Mahirap nang masangkot sa babaing pasaway.
Umalis na si Dick.
MAKALIPAS ang ilang araw tinawagan niya si Puri. Ang alam niya, ngayon ang dating nito mula sa Baguio. Nang huli silang magkausap, sinabi nitong ngayon ang dating niya. Sinigurado sa kanya.
Nag-ring ang phone ni Puri. Matagal bago sinagot. Nang sagutin ay tila mataas pa ang boses.
“Hellooo!”
“Hello Puri.”
“O.”
“Ngayon ang dating mo di ba? Nasaan ka na? Pababa ka na ba ng Baguio?”
“Hindi pa!”
“Hindi pa? Di ba sabi mo, ngayon ka uuwi?”
“Hindi nga!”
“Akala ko, ngayon ang uwi mo?”
“Sabi nang hindi! Ang kulit mo!”
Shock si Dick. Hindi siya makapagsalita. Bakit galit si Puri? Hindi siya makapaniwala.
(Itutuloy)
- Latest