Tatay inaresto sa panghahalay sa 2 anak

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang ama na wanted sa panghahalay sa dalawa niyang anak sa isinagawang manhunt operation sa Masbate nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala lamang ang ama sa alyas na “Felipe”, na kabilang sa listahan ng most wanted persons bilang No. 7.
Nadakip ang suspek ng mga operatiba ng tracker team sa Purok 2 Proper, Barangay Sta. Cruz, Placer,alas-9:45 ng gabi.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Coplan “BANTAY DANGAL” ng pinagsanib na mga operatiba ng pulisya.
Ayon sa pulisya, nahaharap ang suspek sa dalawang kasong rape, na walang inirekomendang piyansa, at acts of lasciviousness na may inirekomendang piyansang P108,000, sa Regional Trial Court sa Dasmariñas City, Cavite.
Naganap ang mga krimen noong Setyembre 1 at Oktubre 7, 2021, sa Barangay Langkaan 1, Dasmariñas City, at kinasangkutan ng walo at 11 taong gulang na mga anak ng suspek.
Nangalap din ng impormasyon ang mga imbestigador hinggil sa iba pang umano’y pang-aabusong seksuwal sa iba pang menor-de-edad na anak ng suspek.
Kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa ang ina ng biktima bilang Overseas Filipino Workers nang inabuso ng suspek ang kanyang dalawang anak na babae.
- Latest















