Konsehal nasukol sa 2 ‘hit and run’
LIBON, Albay, Philippines — Tumakas pero agad na naaresto ang isang konsehal ng bayan matapos na masangkot sa dalawang insidente ng hit-and-run nang mabangga ng kotse nito ang isang motorsiklo at bisikleta na ikinasawi ng 13-anyos na lalaking nagbibiskleta at ikinasugat ng tatlong iba pa sa Brgy. Rawis, dito sa bayan kamakalawa ng hapon.
Arestado sa inilatag na checkpoint ng mga pulis ang suspek na kinilalang si alyas “Konsehal Dante”, 63-anyos, residente at kasalukuyang municipal councilor ng bayan ng Oas.
Kinilala ang nasawing bata na si Jomar, 13-anyos, high school student, residente ng Brgy. Rawis, habang sugatan kasamang nagbibisikleta na sina Erwin, 15; motorcycle rider na si Joseph, 39-anyos; at angkas na si Edna.
Sa ulat, alas-4:20 ng hapon, mabilis na binabagtas ng puting Honda City na kotse ng suspek ang highway mula sa Brgy. Maramba, Oas patungong Brgy. Pantao, Libon nang pagdating sa lugar ay naokupa ng sasakyan ang kabilang linya at nabangga ang kasalubong na Suzuki motorcycle na minamaneho ni Joseph at angkas na si Edna.
Sa halip na tumigil, dumiretso ng takbo ang sasakyan at iniwan ang mga biktima. Habang papatakas, nabangga pa ng kotse ang dalawang batang siklista na kapwa tumilapon sa kalsada na ikinasawi ni Jomar sa ospital.
Agad naglatag ng checkpoint ang pulisya sa mga daraanan ng kotse at ang iba ay nagsagawa ng hot pursuit operation.
Naharang ang kotse at naaresto ang driver nito ng mga tauhan ng Libon Police at Police Community Precinct pagsapit sa Brgy. Pantao. Dito, nakilala na isa palang konsehal sa bayan ng Oas ang driver ng kotse.
- Latest
















